Ni Clemen Bautista
NAGING makahulugan sa mga taga-Binangonan, Rizal ang nagdaang ika-5 ng Abril sapagkat napakinabangan at natulungan sila ng medical-dental mission o libreng gamutan, na inilunsad ni Binangonan Mayor Cesar Ynares. Ang nasabing libreng gamutan ay handog sa mga taga-Binangonan bilang pasasalamat sa pagsapit ng kanyang kaarawan. Ito na ang pangalawang medical-dental mission na inilunsad ni Mayor Ynares mula nang siya’y manungkulan noong 2016.
Bukod sa libreng gamutan, buwan-buwan ay may inilulunsad na medical mission sa mga barangay sa kabayanan at mga barangay sa Talim Island. Sa darating na Abril 27, isasagawa ang medical mission sa Barangay Pinagdilawan at Bgy. Binitagan sa Talim Island. Sa Mayo 18, ang medical mission gagawin naman sa Bgy. Pag-asa na nasa mainland. At sa Mayo 25, gagawin ang libreng gamutan sa Bgy. Kinaboogan sa Talim Island. Ang isla ay binubuo ng 18 barangay. Ang Binangonan ang pinakamalaking bayan sa Rizal. Binubuo ng 40 barangay; 23 sa mainland at 17 sa Talim Island.
Sa medical-dental mission sa Ynares Plaza, nasa 912 bata at matandang babae at lalaki ang nagamot. Umabot naman sa 220 katao ang nakinabang sa dental. Umabot naman sa 74 na katao ang sumailalim ng libreng ECG (eletro cardio gram) sa kagandahang-loob ng Saint Gervacio Laboratory. May 187 senior citizens at pasyente ang libreng nabakunahan ng anti-pneumonia; 64 na pasyente naman ang nabigyan ng libreng CBC-urinalysis at 32 pasyente sa round blood sugar test. Nasa 55 lalaki at babae ang nabigyan ng libreng gupit.
Ang mga lumahok sa libreng gamutan ay ang medical team ng Binangonan Municipal Health Office, sa pangunguna ni Dr. Rey dela Cuesta, ang Rizal Provincial Health Office na binubuo ng mga doktor mula sa Rizal Provincial Hospital System, ang Botica ng Bayan ng Binangonan, at mga volunteer doctor at dentista mula sa Binangonan at iba pang bayan sa Rizal na may puso sa pagtulong. Dumalo at nakipagtulungan din ang mga miyembro ng Sanggunian Bayan ng Binangonan, sa pangunguna ni Vice Mayor Boyet Ynares, ang mga opisyal ng iba’t ibang barangay ng Binangonan, at ang Samahan ng Kababaihan ng Binangonan, sa pangunguna ng pangulo nito na si Dra. Rose Callanta-Ynares.
Sa bahagi ng mensahe ni Binangonan Mayor Ynares, pinasalamatan niya ang lahat ng nakiisa, nakipagtulungan at sumuporta sa medical-dental mission. Ang pagtulong at pakikiisa sa libreng gamutan, ayon pa kay Mayor Ynares, ay napakalaking tulong sa kanyang mga kababayan na hindi niya malilimot. Umaasa si Mayor Cesar Ynares na sa susunod pang mga libreng gamutan at reach out program para sa mga taga-Binangonan ay naroon ang kanilang muling pagtulong at suporta.