Ni Jun N. Aguirre at Rommel P. Tabbad
Nakahanda na ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa napipintong pagsasara ng Boracay Island.
Naglaan na ng jobs fair at emergency employment ang kagawaran bilang tulong ng pamahalaan sa libu-libong maaapektuhan sa pagsasara ng isla sa Abril 26, upang isailalim sa rehabilitasyon.
Nilinaw ni DoLE-Region 6 Assistant Director Salome Siaton na isasagawa nila ang jobs fair sa Mayo 17, at marami silang dadalhin na employer sa naturang jobs fair upang makapagbigay ng employment opportunity.
Naghihintay na rin ang emergency employment para sa 5,000 informal sector workers at katutubo sa Boracay.
Ang mga matatanggap na manggawa ay babayaran para makibahagi sa rehabilitasyon ng isla sa loob ng 30 araw.
Nangako rin ng tulong ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasakang maaapektuhan ng pagsasara ng isla.
Binigyang-diin ni DA Secretary Emmanuel Piñol na hiningi na nito ang tulong ng Aklan provincial government para bigyan siya ng listahan kaugnay ng mga magsasakang maaapektuhan ng closure.
Karamihan, aniya, sa mga magsasaka sa Aklan ay nagsu-supply ng pagkain sa mga turista sa Boracay, katulad ng bigas, prutas, manok, baboy at iba pa.
Magpapautang din ang DA sa mga magsasaka ngunit papatawan nila ng dalawang porsiyento ang tubo (interest) nito.