Ni Argyll Cyrus B. Geducos
HONG KONG – Pinagkalooban ni Pangulong Duterte ng round trip ticket ang isang overseas Filipino worker (OFW) na humiling na makauwi sa Pilipinas upang bisitahin at kumustahin ang kanyang mga anak.
Nakilala ni Duterte ang kasambahay na si Alma Pardillo, 44, nang kumain siya sa sangay ng Jollibee sa Whampoa, Hung Hom, bago magtungo sa Kai Tak Cruise Terminal sa Kow Loon District kung saan niya kikitain ang nasa 2,000 Pilipino, nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa Malacañang, naluha sa tuwa si Pardillo nang makita ang Pangulo at ang pamilya nito.
“During her conversation with the President, Pardillo shared that she badly wants to visit her family in the Philippines,” base sa pahayag ng Palasyo.
Sinabi ng Palasyo na hiniling ni Pardillo na personal na alamin ang kondisyon ng kanyang anak na may sakit sa baga. Hiniling din niyang maipagdiwang ang pagtatapos ng dalawa niyang anak, isa ay nag-graduate ng business administration noong 2017, at ang isa ay magtatapos ng accounting technology sa katapusan ng Abril.
“President Duterte immediately granted Pardillo’s wish for round trip tickets. The OFW said she was allowed by her employer to have a two-week vacation,” ayon sa Palasyo.
Samantala, sinabi ng Malacañang na mainit na tinanggap si Duterte at ang kanyang pamilya sa loob at labas ng nasabing fast food chain.
“The President personally placed their orders at the counter. While waiting for their meals, he granted selfie requests and chatted with Filipinos who were exultant to see him,” ayon sa Palasyo.
“Before leaving, the President greeted the Filipinos waiting outside and told them, ‘Okay na tayo. Okay na ang bayan,’” dagdag niya.
Kumain ang Pangulo sa nasabing fast food chain kasama ang kanyang partner na si Honeylet Avanceña, mga anak na sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Kitty, at apo na si Stingray.
Nasa Hong Kong si Duterte kasunod ng kanyang partisipasyon sa Boao Forum for Asia 2018 sa Hainan, China ngayong linggo.