Ni Genalyn D. Kabiling
Pinabulaanan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang mga espekulasyon na gumamit siya ng mga serbisyo ng Cambridge Analytica para palakasin ang kanyang kampanya sa panguluhan noong 2016.
Iginiit ng Pangulo na simple lamang kanyang naging kampanya sa nakalipas na halalan “without the British data analytics firm, which has been accused of improperly harvesting personal data from millions of Facebook users.
“Wala man akong alam. Hindi ko man kilala ‘yan. Honestly, hindi ako bilib diyan sa survey-survey,” ani Digong sa press conference matapos dumating sa Davao City mula sa apat na araw niyang pagbisita sa Hong Kong at Hainan, China.
“Wala akong Cambridge- Cambridge, Oxford, basta ‘yung akin, kampanya, simple lang,” aniya.
Ginunita ni Digong ang rally sa Luneta dalawang taon na ang nakalipas na sinabi niya sa madla na mamili lamang sa pagitan ng langit kasama ang mga pari o sa impiyerno kasama niya.
“Sabi ko, kayong lahat na naniwala sa pari, naniniwala sa Diyos, at ayaw ninyo ng patayan sa mga droga, gusto niyong buhayin niyo ‘yang mga p***** i**** ‘yan, diyan kayo,” aniya.
“O, tapos, sabi ko, “gustong magpunta ng impyerno, patayin na natin ‘yang durugista, dito kayo.” O, see what happened. Ba’t ako Cambridge-Cambridge ka pa diyan?,” dugtong niya.
Nauna nang i g i n i i t ng Malacañang na “fair and square” ang pagkapanalo ni Duterte sa 2016 elections, at itinanggi ang mga alegasyon na inupahan niya ang data analytic firm para palakasin ang tsansa niyang manalo.