Ni GENALYN D. KABILING, ulat ni Tara Yap

Nilinaw kahapon ni Pangulong Duterte na hindi niya idedeklarang commercial area ang alinmang bahagi ng Boracay Island, at nagbabala pa nga sa posibilidad na ipagiba niya ang mga hotel at iba pang istruktura sa isla.

Dati nang inihayag ng Pangulo na plano niyang ibalik sa mga magsasaka ang Boracay, alinsunod sa atas ng Korte Suprema na orihinal na nagdedeklara sa sikat na tourist destination bilang lugar para sa agrikultura.

“I am not inclined to declare anything there as a commercial area. If you will lose your billions there, I’m sorry because I said I am not signing any proclamation until the end of my term,” sinabi ni Duterte pagdating niya sa Davao City kahapon ng medaling araw mula sa pagbisita niya sa Hong Kong at Hainan, China.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“So, kung magpagawa ka diyan ng hotel, disgrasya ka, because it’s agriculture. Then we will have to dismantle your hotel, suffer the loss and losses and that’s a problem,” ani Duterte.

Matatandaang sinabi kamakailan ng Pangulo na isasailalim niya sa reporma sa lupa ang Boracay pagkatapos ng rehabilitasyon nito. Ipinag-utos din niya ang auditing sa mga lupain sa isla kaugnay ng mga ulat na malaking bahagi nito ay natirikan na ng kabahayan at mga establisimyento.

“If you really want to know ang sa puso ko, I would give it to the farmers kasi agriculture ‘yan, eh,” anang Presidente. "Ibigay ko muna sa Pilipino. Bakit ko ibigay sa mga mayaman? Bakit ibigay ko sa mga foreigners?

“It is not for use to build something inside the area which we are trying to clean. Now what’s the problem? The problem is the whole of the island, according to the Supreme Court, is really forestal pati agriculture,” aniya pa.

“Boracay, I will clean it and do not wait for any schedule because I am not inclined to proclaim anything there that would change the category from forestal, agriculture then to…so if you ask me now, I’ll give it to the Filipino farmer,” dagdag pa ni Duterte.

Kaugnay nito, napaulat na maglulunsad ng sunud-sunod na protesta ang ilang organisasyon sa Boracay Island laban sa pagpapasara sa isla, na sisimulan sa Abril 26.

Kabilang sa inaasahang lalahok sa protesta ang mga residenteng nabubuhay lamang sa turismo sa lugar at iba pang tauhan ng mga establisimyentong maaapektuhan ng Boracay closure.

Itinanggi naman ng Boracay Foundation Inc. (BFI), ang pinaka-malaking business organization sa isla, ang napaulat na may kinalaman sila sa pagsasagawa ng protesta sa susunod na mga araw.

“The BFI categorically states that it has no affiliation or partnership with any of the organizers,” sabi nito.

Paliwanag ng BFI, alam nila ang karapatan at damdamin ng ibang maapektuhan ng pagsasara ngunit, todo-suporta pa rin sila (BFI) sa layunin ng pamahalaan upang mapadali ang rehabilitasyon sa lugar.

Una nang nagpahayag ng pangamba ang mga trabahador at residente sa Malay dahil hindi pa rin sila pinupulong ng mga kinatawan ng Department of Tourism (DoT), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Interior and Local Government (DILG) upang matalakay ang mga problemang idudulot ng pagpapasara sa isla.