Sa edad na 92, pumanaw nitong Huwebes ang beteranong mamamahayag na si Nestor Mata dahil sa sakit.

Binawian ng buhay si Mata sa Cardinal Santos Memorial Hospital.

Kilala bilang nag-iisang survivor ng 1957 plane crash na kumitil sa buhay ni dating Pangulong Ramon Magsaysay sa Cebu, tanyag din si Mata sa kanyang pagbabalita tungkol sa pulitika at foreign affairs para sa pahayagang Philippine Herald, na nagsara noong 1972 dulot ng martial law.

Ibinalita pa ng Philippine Free Press kung paanong sa kabila ng mga tinamong sunog sa katawan ay nagawa ni Mata na magdikta ng mahahalagang detalye sa Herald bago siya isugod sa ospital sa Cebu matapos ang aksidente. Sa kanyang librong “One Came Back”, isinalaysay ni Mata ang maikling termino ni Magsaysay bilang pangulo, gayundin ang trahedyang ikinasawi nito.

National

Pahayag ni VP Sara, ‘active threat’ sa buhay ni PBBM — Malacañang

Naging kolumnista rin si Mata sa Philippines Daily Express noong 1986, nagsulat para sa Manila Standard noong 1987, at ipinagpatuloy hanggang kamakailan ang kanyang kolum sa Malaya. Nagsilbi rin siyang editor-in-chief ng Lifestyle Asia Magazine.

Maliban sa pagkanta, hilig din ni Mata ang larong chess kung saan siya nagwagi siya sa executive chess events noong 1970. Naging board member din siya ng Philippine Chess Federation at pinangunahan ang Philippine Olympiad team sa Moscow noong 1994.

Nakalagak ang kanyang labi sa St. Peter’s Memorial sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.