Ni Jean Fernando

Pinag-ehersisyo kahapon ang 157 preso sa loob ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police, upang maiwasan ang nangyaring pagkamatay ng isang bilanggo nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Senior Insp. Wilfredo Sangel, hepe ng SIDMB, hinati sa tig- 30 ang bawat grupo ng bilanggo at isinailalim ang mga ito sa 30 minutong ehersisyo, dakong 5:00 ng madaling araw.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aniya, layunin nitong maiwasan ang insidente ng pagkamatay gaya ng nangyari sa isang preso at pitong iba pa ang hinimatay dahil sa sobrang init at siksikan sa loob ng isang kulungan sa Pasay City.

“Pinaarawan, pinag-ehersisyo, pinakain, at pinagpahinga muna po sila sa labas ng kanilang piitan at upang makalanghap ng sariwang hangin,” sabi ni Senior Insp. Sangel.

Ayon pa kay Sangel, naglagay na sila ng tatlong malaking exhaust fan sa loob ng piitan para makaramdam ng ginhawa ang mga bilanggo.

Aminado ang opisyal na karamihan sa mga preso sa kanilang piitan ay nakararanas ng mga sakit sa balat.

“Nagkakaroon na po sila ng sakit sa balat tulad ng pigsa, galis at bungang-araw. Kaya kinakailangan naman sila ay makalabas kahit sandali sa kanilang piitan,” dugtong niya.

Kaugnay nito, nakaalerto naman ang mga miyembro ng Special Weapons and Tactics Unit (SWAT) sa lugar upang tiyaking walang makatatakas na inmate.