Ni Mary Ann Santiago
Inilunsad muli ng Department of Health (DoH) ang programa nitong “Ligtas Tigdas” kasunod ng naitalang pagdami ng dinadapuan sa bansa ng nakamamatay na sakit, na nagbunsod pa ng pagdedeklara ng measles outbreak sa Taguig City, Zamboanga, at Davao kamakailan.
Layunin ng programa na tuldukan ang patuloy na pagkalat ng nakamamatay na sakit sa pagkakaloob ng libreng bakuna sa mga paslit, na karaniwang dinadapuan nito.
Sa record ng DoH-Epidemiology Bureau, nakapagtala ito ng 4,168 kaso ng tigdas sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Marso 26, 2018. Sa nasabing bilang, 723 ang laboratory-confirmed measles at 13 ang nasawi.
Pinakamaraming naitalang kaso ng tigdas sa Region XI (27.73%), Autonomous Region sa Muslim Mindanao (21.59%), Region IX (14.32%), Region XII (10.45%), at Region X (10%).
Kaagad namang nagpatupad ng Outbreak Response Immunization (ORI) ang DoH sa naturang mga lugar upang maiwasan ang pagkalat ng tigdas.
Bilang solusyon, magsasagawa ang DoH ng National Measles Supplemental Immunization Activity (SIA) sa Abril 25-Mayo 25 sa Metro Manila, at Mayo 9-Hunyo 8 naman sa Mindanao.
Nanindigan si DoH Secretary Francisco Duque III na ang pagbabakuna pa rin ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng tigdas—at tiniyak niyang ligtas ito.