Ni Bert de Guzman
Tiniyak kahapon ni Speaker Pantaleon Alvarez na mapagtitibay ng Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, sa loob ng isa o dalawang linggo matapos mag-resume ang sesyon ng Kongreso sa Mayo 15.
Sinabi ni Alvarez na nakahanap na ng probable cause ang House Committee on Justice para ma-impeach si Sereno.
Inihahanda na rin ang report ng komite at ang Articles of Impeachment laban sa kanya, ayon pa kay Alvarez.
Sinabihan ni Pangulong Duterte si Sereno na kaaway na siya nito, at inatasan si Alvarez na bilisan ang pagpapatalsik sa punong mahistrado.
Bago nag-adjourn ang Kamara nitong Marso 21, inihain ng Committee on Rules sa plenaryo ang pag-aapruba sa Articles of Impeachment.
Kailangan ang boto ng one-third ng mga kasapi ng Kamara upang pagtibayin ang Articles of Impeachment at maipadala sa Senado.