Ni Dave M. Veridiano, E.E.
SASALA ang sandok sa palayok, ngunit hindi ang aking sapantaha, na marami nang namantikaan at yumaman na mga opisyal ng pamahalaan na nakasawsaw sa mundong ginagalawan ni retired Senior Superintendent Wally Sombero, magbuhat nang siya ay mag-balikbayan na dala ang negosyong kanyang pinagkadalubhasaan sa ibang bansa.
Ang negosyong ito na tinatawag na “online gaming” ang naging dahilan nang pagkakakulong ngayon ni Sombero, na pilit niyang pinoprotektahan mula sa kuko ng ilang gahamang opisyal ng Department of Justice (DoJ), Bureau of Immigration (BI), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at ng ilang opisyal ng mga lokal na pamahalaan, na ginagawa itong “palabigasan” sa laki ng perang ipinapasok nito sa bansa.
May banta kasi ang mga banyagang “investor” na karamihan ay mga “associate” ni Sombero, na babawiin ng grupo ang bilyones na perang ibinuhos sa negosyong ito, dahil sa hirap silang “lumaro” at makisama sa ilang ganid na opisyal ng mga departamentong nabanggit.
Ito ang nagtulak kay Sombero para sumama sa isang “confidential operation” ng administrasyon na binansagang “OPLAN JANUS-DELTA” na naglalayong lipunin ang mga corrupt na opisyal mula sa mga nasabing departamento, gamit ang istilong animo “buy-bust operation” na pumapel si Sombero bilang isang “Deep Penetrating Agent” o DPA. Ngunit nagka-aberya sa dulo ng operasyon at siya pa ang naipit at sumabit sa kaso. Ang mga opisyal na gumamit naman kay Sombero, ay pawang mga “nakangiting aso” matapos na maabsuwelto sa kaso!
Nasa ibang bansa na si Sombero nang pumutok ang asunto, subalit sa halip na tumakbo at magtago – maaari namang ‘di na siya bumalik at magpirmi na lang sa ibang bansa -- ay umuwi siya rito at hinarap ang kanyang mga asunto. Di niya inaasahang maisasampa ang PLUNDER laban sa kanya na isang “non bailable” na kaso – kaya kulong siya ngayon sa Bicutan matapos na sumuko kay Director Oscar Albayalde, ang incoming PNP chief.
Ito naman ang masasabi ko sa ilang dupang na opisyal na nakinabang kay Sombero: Hawak na ninyo sa leeg si Sombero, at ito ang malaking pagkakataon para makabayad kayo sa bayan. ’Wag ninyong sayangin o bulukin sa loob ng kulungan ang pagka-GENIUS nito sa sinasabi ninyong “Online Gambling” na kinasasangkutan o pinoprotektahan niya.
‘Di naman kaila sa inyo na bilyones ang TARA mula sa negosyong ito, kaya por favor señores – PIGAIN, BASAHIN at PAG-ARALAN ninyo ang UTAK ni Sombero, at baka nga totoo ‘yung kanyang isinulat na SPECIAL REPORT na kaya raw kitain sa kontrobersyal na negosyong sinasabi niya, ang bilyones na “Budget Deficit” ng ating bansa para sa isang taon!
Pahapyaw na nabasa ko ang report at ang bahaging ito ang isa sa mga kumintal sa aking isipan: Aabot na raw sa 250,000 ang EXPAT na empleyado sa negosyong “Online Gaming” dito sa buong bansa. Ito ang dahilan kaya napakaraming nagtatayugang condominium sa iba-ibang lugar, lalo na rito sa Metro Manila, dahil dito nakatira ang mga EXPAT. Kaya nila ang marangyang buhay sa condo dahil P150, 000 ang pinakamababang sahod na nakukuha nila ng cash tuwing akinse at katapusan ng buwan. Unang tanong – nabubuwisan ba ito ng tama dahil may bawas naman daw ng para sa “income tax return”? Ikalawang tanong – P70, 000 ang working permit bago makapag-umpisa ng trabaho, na sinasagot ng kumpanya na kumuha sa kanila. Subukin ninyong kuwentahin kung magkano ang aabutin ng ibinayad na 250,000 EXPAT na nakikita ninyong naglipana sa bansa – lumalagapak na P17.5 Bilyon!
Pahimakas -- kaninong mga bulsa kaya pumasok ang perang dapat sana’y para sa kaban ng bayan?
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]