Ni REGGEE BONOAN
PINANOOD namin ang Almost A Love Story nina Barbie Forteza at Derrick Monasterio sa red carpet screening sa SM Megamall Cinema 7, produced ng BG Productions at idinirehe ni Louie Ignacio.
Tuwang-tuwa si Barbie na sinuportahan siya ni Marian Rivera na ka-close co-host niya sa Sunday Pinasaya. Kinunan ni Marian ng video sina Barbie at Derrick at ipinost ito sa IG Stories.
Namataan din namin sina Jeric Gonzales at Kyline Alcantara na sumisikat sa Kambal Karibal, Gladys Guevarra, at ang kasama sa pelikula na sina Anna Capri at Lotlot de Leon.
Narinig naming malaki ang nagastos sa shooting ng Almost A Love Story na sa Italy pa kinunan kaya ang ganda ng mga location, bagay na hindi namin nakita noon sa pelikula nina Maine Mendoza at Alden Richards na Imagine You and Me na sa nasabing bansa rin ang kinunan dahil limitado ang mga ipinakita.
Para kaming nag-tour sa magagandang lugar sa Italy habang nanonood ng Almost A Love Story at may ideya na kami kung saan pupunta kapag nagkaroon kami ng tsansang makarating doon.
Simple pero may kurot sa puso ang kuwento ng pelikula nina Barbie at Derrick. Parehong mahal ng kanya-kanyang karakter ang isa’t isa pero hindi nangyari.
Fine Arts student si Baneng (Barbie) na ang nanay (Lotlot) ay namamasukan sa pamilya nina Iggy (Derrick), Anna at asawa nitong Italyano na naging kaibigan na dahil kapwa Pinoy.
Sa Singapore unang tumira ang pamilya, lumipat sa Italy na isinama pa rin si Lotlot dahil napamahal na sa pamilya bukod pa na siya ang nagpalaki kay Iggy.
Dahil ilang taon nang hindi nakakauwi ng Pilipinas si Lotlot, ginastusan ng amo nitong sina Anna at Derrick ang pamasahe ni Baneng para makapunta ng Italy.
Sa nasabing bansa nabuo ang kuwento nina Baneng at Iggy, at kung bakit Almost A Love Story ang titulo ay panoorin na lang.