Ni Mary Ann Santiago
Igagarahe muna para kumpunihin ang 24 na bagon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), na may dalawang dekada na ang tanda at araw-araw na bumibiyahe, upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Ayon sa pamunuan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang maintenance provider ng LRT-1, sisimulan ang pagkukumpuni sa mga naturang tren sa Hulyo.
Aabot sa P450 milyon ang gagastusan para sa rehabilitasyon ng generation-2 Light Rail Vehicles (LRVs) na binili ng pamahalaan.
Nilinaw ng LRMC na hindi apektado ng rehabilitasyon ang biyahe ng LRT-1 dahil tatakbo pa rin ang 95 na generation 1 at 3 trains nito. Pabibilisin din nila ang andar ng mga matitirang tren para hindi humaba ang pila ng mga pasahero sa mga istasyon.
Sinabi ni Rochelle Gamboa, tagapagsalita ng LRMC, na una nang sumailalim sa overhaul ang 51 generation-1 trains noong 2007, at ang 44 generation-3 trains noong 2008.
Ang LRT-1 ang nag-uugnay sa Roosevelt, Quezon City at Baclaran sa Parañaque City at pabalik.
Mary Ann Santiago