Ni Roy C. Mabasa
Nanawagan ang Philippine Embassy sa Riyadh sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia na maging mahinahon at maging alerto sa gitna ng mga ulat nitong Miyerkules na nagpakawala ng missile ang mga rebeldeng Houthi mula sa Yemen at na-intercept ng Saudi Arabian Air Defense Systems sa himpapawid ng Riyadh.
Ayon sa Philippine Embassy, beneberipika na nila ang mga karagdagang detalye kaugnay sa huling missile attack sa kabisera ng Saudi.
Wala pang iniulat na napinsala sa buhay o ari-arian.
Sa isang pahayag, hinimok din ng embahada ang Filipino community na kaagad ipagbigay-alam sa kanila ang anumang impormasyon sa huling missile attack, lalo na kung may nadamay na Pinoy.
Batay sa inisyal na mga ulat, nagpakawala ang Houthi rebels ng Yemen ng ballistic missile na pinupuntirya ang Riyadh nitong Miyerkules.
Inamin ng Al Masirah, ang TV network na pinatatakbo ng Houthis, ang pag-atake sa Twitter, sinabi na nagpakawala ang mga rebelde ng Burkan 2-H, isang uri ng Scud missile, target ang Saudi defence ministry.
Sinabi ni Sharaf Lokman, tagapagsalita ng Houthis, na nangyari ang pag-atake matapos magdeklara si Saleh al-Samad - president ng Supreme Political Councilna nagpapatakbo sa Sanaa, ang kabisera ng Yemen, at iba ang lugar na hawak ng rebelde – ng “a year of ballistic missiles”.