MATAGAL nang hinihintay ng Senado ang impeachment complaints laban kay Sereno na ihahain ng Kamara de Representantes. Sa pamumuno ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, pinag-uusapan na ng mga senador ang mga panuntunan na kakailanganin sa paglilitis, kabilang na ang “sub judice” rule- na ipinagbabawal magkomento laban sa akusado, at tanging report of proceedings lamang ang pagtutuunan.
Mismong si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang matagal nang humihiling sa kongreso na aprubahan na ang impeachment complaint at ipadala sa Senado upang litisin. Limang buwan nang nakabimbin sa Kongreso ang reklamo.
Maaari itong mapagdesisyunan sa loob ng ilang araw kung may bigat ang ibinibintang. Tulad noong 2011 sa kaso ni Chief Justice Renato Corona na kinailangan lamang ang desisyon ng mayorya upang madala sa senado.
Matapos ang limang buwang pagdinig kung saan malayang nagpahayag ng pananaw ang mga pinuno sa Kongreso sa impeachment complaints, inaprubahan ng House Committee on Justice ang reklamo sa botong 33-1. Ngunit ang buong Kongreso ay hindi bumoto rito.
Nitong Lunes, si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nagsabi sa Kongreso na pabilisin ang pagdinig sa kaso ni Sereno. Ito ay kanyang reaksiyon sa akusasyon ni Sereno sa Pangulo bilang “unseen hand” o may pakana sa lahat ng mga reklamo laban sa Punong Mahistrado hindi lamang sa Kongreso kundi maging sa Korte Suprema, kung saan inihain ng solicitor general ang “quo warranto” proceedings na kumukuwestiyon sa kanyang pagkakaluklok.
Sa kanyang talumpati bago umalis patungong Boao Forum sa China nitong Lunes, tinanong ni Pangulong Duterte ang Kongreso, “What’s taking you too long?” Sinabihan niya ang mga Kongresista at si Speaker Pantaleon Alvarez na bilisan ang paghahain ng kaso sa Senado.”“Huwag na ninyong dramahin,” sabi ng Pangulo. Bilang tugon, sinabi ni Rep. Rey Umali, chairman ng House Committee on Justice, na madadala sa kongreso ang kaso para pagbotohan bago ang Mayo 15, isang araw matapos magpatuloy ang sesyon sa Mayo 14.
Mukhang sumasang-ayon ang lahat na kailangan nang dalhin ang kaso ni Sereno sa Senado. Matagal nang sinabi ng Punong Mahistrado na tiwala siya na magkakaroon siya ng “day in court” at maidedepensa ang sarili sa Senado.
Matagal nang pinaghahandaan ng mga Senador ang paglilitis. At ngayon nga ay si Pangulong Duterte na ang nagsabi na tapusin na ang drama at ipasa na ang kaso sa Senado.
Isang buwan pa bago ang Mayo 15 at umaasa tayo na pipigilan muna ng magkabilang panig ang pag-atake sa isa’t isa, habang naghihintay ng desisyon sa Kongreso. Hangad natin na makita ang paglalatag ng isyung ito sa Senado, kasama si Sereno sa pagdepensa niya sa kanyang sarili. Maaaring mas pulitikal kaysa judicial ang proseso ng impeachment, ngunit nangangako ang Senado na ibibigay nito ang nararapat na tungkulin upang maibigay ang hustisya sa tama.