NEW YORK (AP) – Sisimulan ng Facebook ang pag-aalerto sa users na maaaring nakompromiso ang private data sa Cambridge Analytica scandal simula sa Lunes.
Lahat ng 2.2 bilyong Facebook users ay makatatanggap ng notice sa kanilang feeds na pinamagatang “Protecting Your Information.” Mayroon itong link sa impormasyon kung aling Facebook apps ang kanilang ginamit at kung anu-anong impormasyon ang nai-share nila sa apps na ito.
Bukod dito, 87 milyon users na ang data ay maaaring ibinahagi ng Cambridge Analytica ang makatatanggap ng mas detalyadong mensahe na nagpapabatid sa kanila tungkol sa katotohanang ito.
Sinasabing ginamit ng political data-mining firm ang mga ninakaw na Facebook user data sa pagsisikap na impluwensiyahan ang eleksiyon. Sinabi ng Cambridge Analytica na tumanggap lamang ito ng data sa 30 milyon users.