Ni Ric Valmonte
UMAARANGKADA na sa Korte Suprema ang pagdinig ng quo warranto na isinampa ng Office of the Solicitor General sa ngalan ng suspendidong abogado laban sa nakabakasyong Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Inakusahan ni Solgen Jose Calida si CJ Sereno na “usurper” dahil wala raw bisa ang pagkakahirang niya. Hindi, aniya, naisumite nito hanggang ngayon ang kanyang 10 Statement of Assets and Liabilities Networth (SALN) na kinakailangan ng Judicial Bar Council (JBC). “Naisaalang-alang na ito ng JBC nang ideklara nitong karapatdapat ako sa kataas-taasang posisyon sa hudikatura,” wika ni Sereno. Aniya, dapat umanong ipinaalam ito ni Associate Justice Diosdado Peralta na miyembro ng JBC noon, kay dating Pangulong Aquino bago siya hinirang. Si AJ Peralta ay isa sa mga mahistradong dumalo sa impeachment hearing ng House Committee on Justice laban kay Sereno. Hindi naman ginawang isyu ito ni AJ Peralta nang siya ay tumestigo, eh isa ito sa mga isyung kinokonsidera noon ng Committee bilang bahagi ng Articles of Impeachment.
Sa pagtatanong ni AJ Marvic Leonen kay CJ, lumabas na wala namang kaugnayan ang SALN sa integridad nito o sinumang hinihirang o mahihirang na CJ. Naging rekesito lang ng JBC ang SALN, ayon kay CJ, nang mapatalsik si CJ Corona noong 2012. Sa mga humihiling na maging AJ, dalawa lang ang kinakailangan nito. Kaya, sabi ni AJ Leonen:”Hindi masusukat ang integridad sa pamamagitan lang ng kapirasong papel. Mahalaga lang ito kung hinuhuli mo ang isang may unexplained wealth at hindi iyong may unexplained poverty. Ang SALN ay kasangkapan. Hindi ito sukatan ng integridad dahil kung ito ay sukatan nga, tulungan sana tayo ng Panginoong Diyos. Ang sukatan ng integridad ay ang kakayahan ng mahistrado na hindi madadala ng pressure galing sa yellow, red, black o kahit anong kulay ng pulitika.” Naging mahalaga noon ang SALN sa impeachment ni Corona dahil sangkot ito sa isyu ng corruption. Inaalam noon ang pinagmulan ng kanyang tagong yaman.
May pinadidisqualify si CJ Sereno sa mga mahistrado na dumidinig ng kanyang kaso dahil hindi raw niya maaasahang maging patas ang pasiya nila. Aniya, labag ito sa kanyang karapatan sa due process na nagdidikta na bawat litigante ay may karapatang dinggin ang kanyang kaso ng hukom na walang kinikilingan. Eh walo sa mga mahistrado ay tumestigo sa pagdinig ng House Committee on Justice laban kay Sereno. Kasama pa sila ng mga empleyado ng Korte sa red Monday rally na nagnanais na mapatalsik ito. Ganoon pa man, lima sa walong mahistradong ito - sina AJ Teresita Leonardo de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Barsamin, Francis Jardeleza at Noel Tijam- ay gumawa ng resolusyon na ibinabasura ang kahilingan ni CJ. Wala, anila, itong batayan. Eh ang Korte Suprema mismo ang nagsabi na kapag pinagdudahan ang kakayahan ng isang hukom na magiging patas siya sa pagdinig, may batayan man o wala, walang pinakamagandang gawin ito kundi ang bitawan niya ang kaso. Delicadeza ito. Walang kaugnayan sa SALN, pero malaki ang epekto nito sa integridad.