Ni MARY ANN SANTIAGO

Nabiktima ng fake news ang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Ito ay matapos na maglabasan ang ulat na binabalaan umano ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles ang mga taong simbahan sa pakikipag-interaksiyon sa mga pulitiko.

Ayon kay Fr. Marvin Mejia, CBCP secretary general, walang ganitong naging pahayag si Valles.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“There is no truth to the post because Archbishop Valles issued the latest statements about Lent and Easter Sunday,” paliwanag ni Mejia.

Noong Abril 2, napaskil ang artikulong “CBCP President Romulo Valles warns bishops, priests, nuns not to interact with politicians”, sa website na www.newspaperph.com/, na umani ng magkakaibang reaksiyon mula sa mga netizens.

Sunod na lumabas ang artikulo sa www.goodnewstoday.d30.club/, na may kasama pang larawan ng arsobispo at ni Vice President Leni Robredo.

Inaatake rin umano sa artikulo ang ilang clergymen at mga madre dahil sa pagsuporta kay Robredo, na nahaharap sa electoral protest na inihain ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Una nang binatikos ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang patuloy na pagkalat ng fake news dahil ito ay isang “manipulative strategy” na ginagamit ng ilan para sa kanilang interes na pampulitikal.

“Manipulation thrives in the context of disrespect. That’s why fake news proliferates … deliberately deceiving people,” ani Tagle.

Ayon naman kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, bagamat madalas na masakit ang katotohanan ay nakamamatay naman ang fake news, na nagbibigay ng maling balita sa mga mamamayan.

Paliwanag niya, mas malaki at malawak ang epekto ng panloloko at panglilinlang kumpara sa paglalahad ng katotohanan.

Aniya, dahil sa paglaganap ng fake news sa lipunan ay mas naaangkop na tanging sa salita lamang ng Diyos magtiwala ang mananampalataya sapagkat ito lamang ang mananatiling totoo dahil ang Diyos ang katotohanan na dapat kapitan at paniwalaan ng sanlibutan.

“’Yung emphasis sa fake news, paano ba magiging fake ang salita ng Diyos? Ang Diyos ay Diyos ng Katotohanan, kaya kung yung Simbahan ay nagbabahagi ng salita ng Diyos, ang ibinabahagi ng Simbahan ay katotohanan, ngayon ang katotohanan ay medyo masalimuot din kasi maaring may masagasaan, may maapektuhan ika nga ‘truth hurts’ pero kapag may Fake News, kapag may kasinungalingan, Lies Kill…” aniya sa panayam sa Radio Veritas.