Ni Johnny Dayang
NAGING palaisipan nitong mga nakaraang linggo kung ano talaga ang mangyayari sa Boracay matapos iutos ng gobyerno ang pagsasara ng naturang isla sa mga turista sa loob ng anim na buwan. Nauna rito, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagiging ‘cesspool’ na o maruming imburnal na ang Boracay.
Lalo pang naging masalimuot ang mga usapin tungkol sa isla bunga ng magkakasalungat na pahayag ng mga opisyal ng pamahalaan. Sa simula, sinabi ng ilang ahensiya ng pamahalaan na layunin ng anim na buwang pagsasara ang matiyak na tuluy-tuloy ang rehabilitasyon ng isla. Kasunod nito ang lumaganap na balita na itatayo ang ilang casino sa isla.
Lalo pang gumulo nang umano ay paghahati-hatiin ang mga lupain ng Boracay sa mga lokal na residente sa ilalim ng comprehensive agrarian reform program, kasunod ng pahayag na idedeklara at isasailalim sa ‘state of calamity’ ang upang mailabas ang pondong pang-ayuda sa mga residente at empleyado na mawawalan ng hanapbuhay.
May legal na batayan ang agrarian reform sa isla. Noong Mayo 22, 2006, inisyu ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Presidential Proclamation No. 1064 na naglagay sa 628.96 ektarya ng Boracay na halos 60.94 porsiyento ng isla bilang ‘alienable and disposable’ o maaaring ilipat sa pribadong pag-aari, habang ‘forestland and protected areas’ naman ang nalalabing bahagi.
Nakapagtataka, ngunit ginawa ang proklamasyon habang nagbabayad na ng buwis ang ilang mamumuhunan sa ilalim ng ‘tax declarations’ nila sa ikatlong bahagi ng isla na nauna nang ipinagkaloob sa kanila. Ang mas malala pa, ginawang residential at komersiyal ang lupain na naklasipika at dating tubigan (wetlands), kahuyan (forestlands) at pampublikong lupain.
Sa totoo lang wala nang natirang sakahan ngayon sa Boracay ang mga katutubong Aeta doon. Ayon sa pahayag ng DENR, gugugol ng tatlong dekada bago magkaroon ng sariling titulo ang mga claimant sa isla sa ilalim ng batas. Ibig sabihin sa 2036 pa lamang maaaring matituluhan ang mga lupa sa Boracay batay sa 2006 deklarasyon ng gobyerno.
Walang dudang mainam ang intensiyon ng pamahalaan sa pagsasaayos ng Boracay. Tungkol naman sa casino, tiyak na hindi ito maninira ng kalikasan sapagkat kakaunting espasyo lamang ang ookupahin ng mga ito at kilalang sumusunod sila sa pinakamahigpit na pamantayan na ipinatutupad ng pamahalaan.
Bukod dito, kung pahihintulutan ang casino sa Boracay, mababawi agad ng gobyerno ang nawalang kita sa pagsasara nito, at tiyak na mas malaki ang magiging kita kaysa sa nakukuha sa turismo. Sapat nitong mapopondohan ang pagpoprotekta sa isla laban sa pang-aabuso sa kalikasan nito.