Nina LYKA MANALO at FER TABOY

IBAAN, Batangas - Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police at ng militar ang laboratoryo ng shabu sa isang taniman ng paminta sa Barangay Sto. Niño, Ibaan, Batangas, na ikinaaresto ng tatlong Chinese at apat na iba pa kahapon.

Arestado ang Chinese chemists na sina Tian Baoquan, Guo Zixing at Hong Dy, na umano’y supervisor ng nasabing laboratoryo.

Hindi rin nakaligtas sa operasyon ang apat na Pinoy na sina Eduardo Lorenzo, electrician, 59; Rosaleo Cesar, 49, driver; Amancio Gallarde, 40; at Nestor Baguio, driver.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Naaresto sina Dy at Baguio sa hot pursuit operations sa Batangas City, matapos tumakas sa pagsalakay ng PDEA, Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP sa Region 4A, bandang 6:00 ng umaga.

Itinanggi ni Dy na may kinalaman siya sa operasyon dahil “caretaker” lamang umano siya ng farm at hindi alam na may shabu laboratory sa loob dahil hindi umano nito nilalapitan sa masangsang nitong amoy.

Aniya, bumibisita lamang siya sa farm dalawang beses sa isang linggo habang tumatawag lamang sa kanya ang isang “Mr. Sy” upang kumustahin ang farm at posible umanong nasa bansa ito dahil lokal na numero ang lumulabas sa kanyang telepono.

Naaresto rin sa kasabay na operasyon si Xie Jiansheng, sa kanyang bahay sa Merry Homes, Bgy. San Francisco, Tagaytay City, sa bisa ng isang search warrant.

Si Xie umano ang nagsisilbing manager ng mga dayuhang chemists.

Ang raid ay mula sa bilateral intelligence at imbestigasyon ng PDEA at ng National Narcotics Control Commission of the Bureau of the Ministry of Public Security of People’s Republic of China (NNCC-PROC).

Kinumpirma ni PDEA Director General Aaron Aquino na ang operasyon ng shabu lab ay pinopondohan ng Hongkong Kingpin, at ang mga naarestong Intsik ay konektado sa Golden Triangle syndicate na may operasyon sa Myanmar, Thailand, at Laos.

Natuklasan na halos tatlong linggo pa lamang nag-o-operate laboratoryo na may kapasidad na makagawa ng 25 kilo ng shabu kada araw.

Bukod sa precursor na ginagamit sa paggawa ng ecstacy at mga shabu laboratory equipment, nakumpiska rin ang mga kemikal na ayon kay Aaron ay hindi ikinokonsiderang dangerous chemicals sa ilalim ng RA 9165.