Ni Genalyn D. Kabiling
BOAO, China- Bibisita sa bansa si Chinese President Xi Jinping sa darating na Nobyembre matapos itong imbitahin ni Pangulong Duterte sa idinaos na bilateral meeting nila sa Hainan, China.
“President Xi to visit PH this November after APEC (Asia Pacific Economic Cooperation summit) in PNG (Papua New Guinea),” mensahe ni Presidential Spokesman Harry Roque sa mga mamamahayag.
Kapwa miyembro ang Pilipinas at China ng APEC, isang taunang pagtitipon na nakatuon sa pagsusulong ng economic cooperation sa rehiyon ng Asia-Pacific.
Ang pagbisita ng pinuno ng China ay kasunod ng kanyang meeting kasama si Pangulong Duterte upang paigtingin ang ugnayan ng dalawang bansa sa pagsusulong ng economic, trade, at defense cooperation.
Nilagdaan sa meeting ang anim na kasunduang bilateral, kabilang ang pagkuha ng China ng mga Pilipinong guro sa Ingles, pag-aaral sa panukalang pagtatayo ng Davao City expressway at ang loan agreement para sa proyektong Chico Dam irrigation.
Nagpakita naman ng interes ang ilang Chinese businessmen upang mamuhunan ng $9.45 bilyon para sa real estate, enerhiya, turismo at imprastruktura sa bansa.
Nag-alok din ang China ng P3.8 bilyong economic assistance sa bansa.
Mula Hainan, lumipad patungong Hong Kong ang Pangulo, na inaasahang babalik sa bansa sa Biyernes.