Mula sa Yahoo Entertainment

PAGLAPAG ni T.J. Miller sa LaGuardia Airport sa New York City nitong Lunes ay agad siyang inaresto.

T.J copy

Ayon sa press release mula sa U.S. attorney sa District of Connecticut, nagpahayag umano ang aktor, na nakilala nang husto sa kanyang pagganap sa Silicon Valley, bago pa siya matanggal sa Season 5 dahil sa mga alegasyon ng hindi propesyunal na pag-uugali, ng false bomb threat habang sakay sa Amtrak train noong Marso 18. Kinasuhan ang 36 na taong gulang ng federal criminal complaint na may “intentionally conveying to law enforcement false information about an explosive device on a train traveling to Connecticut.”

'Sarap sa pakiramdam!' Kiray mahal na mahal, never niloko ng jowa

Humarap si Miller sa district judge sa New Haven nitong Martes at nakalaya nang magpiyansa ng $100,000. Ang kanyang kaso ay may karampatang parusang limang taong pagkakakulong.

Ayon sa reklamo, tumawag si Miller sa 911 sa New Jersey at sinabing lulan siya ng Amtrak train 2256 mula Washington, D.C., patungong Penn Station sa New York City, at isang babaeng pasahero ang may dalang bomba sa bag.

Inilarawan ni Miller ang babae na mayroong brown na buhok at may suot na scarf. Pinatigil ng mga imbestigador ang tren sa kalagitanaan ng northeast route nito sa Westport, Conn. Kinailangang bumaba ang mga pasahero, dumating ang bomb squad, ngunit walang nakuhang ebidensya ang grupo ng anumang explosive device o materyales.

Hiningian ulit ng pahayag ng mga imbestigador si Miller, na noon ay nasa New York, kung saan siya tumira pagkatapos ng trabaho niya sa Silicon Valley, at sa pagkakataong iyon ay ibang paglalarawan naman ang sinabi niya sa babae.

Habang kinakausap, nagduda ang imbestigador na lasing si Miller, ngunit iminatwid naman niya na “one glass of red wine” lamang ang kanyang ininom. Itinanggi niya ang akusasyon na wala siya sa katinuan, at sinabing, “No, absolutely not.” Tila totoo naman ang sinabi niya, at inihayag pa sa mga imbestigador na, “This is the first time I’ve ever made a call like this before. I am worried for everyone on that train. Someone has to check that lady out.”

Noon din ay natukoy na sakay sa ibang tren si Miller – sa Amtrak train 2258 — kaya pinatigil din ang naturang tren at sinuyod, sa Westport ulit. Pagkatapos ng paghahanap ay wala ring nakitang pampasabog o kahina-hinalang bagay.

Gayunman, sa pangalawang pagtigil, sinabi na ng Amtrak train attendant mula sa first-class car sa mga imbestigador na, “(Miller) appeared intoxicated upon boarding in Washington, that he consumed multiple drinks on the train, and that he had been removed in New York owing to his intoxication.”

Gayundin, ayon sa release, “the attendant also advised that Miller had been involved in hostile exchanges with a woman who was sitting in a different row from him in the first-class car.” Nakilala ang babae at tinukoy ng mga imbestigador na si Miller ay “motivated by a grudge against the subject female, called 911 to relay false information about a suspected bomb on the train, and continued to convey false information to investigators while the public safety response was ongoing.”

Hindi pa nagbibigay ng komento ang abogado ni Miller nang kontakin ng Yahoo. Ang dahilan kung bakit hindi kaagad naaresto si Miller ay dahil lagi siyang naglalakbay para sa kanyang standup performance.

Nitong mga nakaraang linggo ay hindi magaganda ang balita tungkol kay Miller. Nagbalik sa ere ang Silicon Valley na hindi siya kasama dahil sa katamaran niya, gaya ng pagtulog sa set, at pag-abuso sa alak at iba pang substances, ayon sa Hollywood Reporter. Binanggit din sa artikulo na siya ay “explosive” at “almost a danger” sa mga nakapaligid. Itinanggi ni Miller na siya ay nakainom ng alak habang nagtatrabaho.

Nitong Marso rin, napabalitang nakaalitan ni Miller ang isang Uber driver dahil pinagtalunan nila si Donald Trump — at umabot sa pisikalan ang alitan.

Noong Disyembre, itinanggi ni Miller ang mga alegasyon ng pangmomolestiya sa isang babae habang nag-aaral pa ng kolehiyo sa George Washington University. Inilarawan niyang baliw na stalker lang umano ang babae.