ANG natanggal pero nakabalik sa wild card round ng Wishcovery na si Princess Sevillena ng Metro Manila ang tinanghal na kauna-unahang Wishcovery grand champion sa grand finals na ginanap sa Smart Araneta Coliseum nitong Marso 27.
Ang dalagang 24 anyos ay nag-uwi ng P1 milyong pisong premyo kasama pa ang karagdagang P1 milyong pisong halaga ng kontrata bilang bagong talento ng Breakthrough and Milestones Productions International (BMPI), bahay at lupa mula sa Bria Homes, brand new car at recording deal sa Star Music.
Siya ay lilipad din patungong New York para sa sumailalim sa pagbabagong-anyo sa tulong ng stylist na si Richie Rich kasabay ang pagsasanay sa larangan ng musika na ilalim naman ng stage director na si Joe Barros.
Nakumpleto ni Princess ang limang rounds ng Wishcovery laban sa apat pang kalahok na sina Carmela Ariola, Kimberly Baluzo, Hacel Bartolome at Louie Anne Culala. Ang puntos mula sa unang two rounds ay nagmula sa mga pagtatanghal na kanilang ginawa sa Wish Bus noong grand finals.
Sa ikatlong round, ang mga kalahok ay umawit ng medley ng mga awiting OPM na nagmula sa kanilang pagtatanghal sa buong panahon ng kompetisyon. Ito ay pinuntusan ng turistang New York-based reactor na si Rich at ng hepe ng ahensiya ng mga talento na si Cicero Oca.
Live performance ng limang kalahok ang isinagawa sa ikapaat na round at kanilang inawit ang kanilang bersiyon ng awiting Discovered na isinulat ni Jungee Marcelo.
Makapigil-hinga ang ikalimang round sa matinding labanan ng limang kalahok na nagpamalas ng kanya-kanyang estilo at galing sa pag-awit ng kanilang piniling kanta.
Ang huling two rounds ay pinuntusan ni Marcelo kasama ang kapwa reactors na sina Annie Quintos ng The Company at Jay-R.
Ang paglalaban-laban sa grand finals ang siyang pagtatapos ng pilot season ng pinakamalaking online singing competition sa bansa na nagsimula noong Seytembre 2017. Umere sa Wish 107.5’s YouTube Channel ang labanan ng 20 kalahok sa Wish 107.5 Bus.
Bukod sa mga napanalunan ni Sevillena, tumanggap din ang natirang apat na kalahok ng malalaking papremyo.
Ang 1st-runner-up na si Baluzo ay nag-uwi ng P500,000, samantalang ang 2nd runner-up naman na si Culala ay tumanggap ng P300,000. Sina Ariola at Bartolome, na tinanghal bilang 3rd and 4th runners-up ay nag-uwi rin ng tig-P100,000.
Tulad ni Princess, ang natirang apat na kalahok ay tatanggap din ng five-year management contract mula sa BMPI at dalawang taong recording deal sa Star Music.
Tatanggap din ang mga napiling benepisyaro ng 5 kalahok ng halagang P100,000.00.
Ayon sa CEO ng BMPI na si Daniel Razon, ang pangalawang season ng patimpalak ay “pinaghahandaan na ito ngayon at umasang may malalaking plano pa para dito. Inaantay lamang ang tamang panahon upang ang buong detalye nito ay maisiwalat na sa publiko.”
Ang Wishcovery grand finals ay pinangunahan ni Kris Lawrence. Nagtanghal ang magagaling na OPM stars na sina Erik Santos, Christian Bautista at Marcelito Pomoy na nagsipagwagi rin sa singing contests.