Ni Jun Fabon
Nadakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District-District Special Operation Unit (QCPD-DSOU) ang isang may-ari ng travel agency sa entrapment operation sa lungsod, iniulat kahapon.
Sa ulat ni QCPD director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang suspek na si Arlene Cabonero y Germenanda, 46, may– ari ng Blissful Escapes Travel & Tour, tubong Zamboanga del Sur, at nakatira sa No. 13 – C Mabuhay Street, Barangay Central, Quezon City.
Unang dumulog sa tanggapan ni DSOU chief, Supt. Rogarth Campo si Rizalina Hombe y Buenajeda, nagpa-book ng flight patungong Amerika.
Sa imbestigasyon, pinangakuan umano ng suspek si Hombe ng round trip ticket sa Los Angeles, USA at nagbayad ang biktima ng kabuuang P248,500 bilang advance booking at nakatakda sana ang kanilang flight kahapon, Abril 11.
Subalit nitong Abril, nadiskubre ng biktima sa EVA AIR at AEERO MEXICO na hindi pa bayad ang plane ticket.
Agad inatasan ni Supt. Campo ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng entrapment operation at naaresto si Cabonero, sa Café Tribu sa Panay Avenue, bandang 3:40 ng hapon.
Dinakma si Cabonero matapos tanggapin umano ang karagdagang P120,000 bayad ng biktima.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa DSOU at nahaharap sa kaukulang kaso.