Mula sa Yahoo Entertainment
MATAPANG na inamin ni Mariah Carey ang kanyang sekreto nitong Miyerkules: Noong 2001 ay na-diagnose siya na may bipolar II disorder — at itinago niya ito sa loob ng halos 17 taon.
Kung ibinunyag ng ilang malalaking celebrity – gaya nina Demi Lovato, Catherine Zeta-Jones, at ang yumaong si Carrie Fisher — ang kanilang mental illness, na maaaring mauwi sa depresyon at manic episodes, hindi umamin sa publiko si Carey sa loob ng mahabang panahon.
“I didn’t want to believe it,” paliwanag niya sa People magazine tungkol sa kanyang inisyal na diagnosis. “Until recently I lived in denial and isolation and in constant fear someone would expose me.”
Ngunit nagsalita na rin sa wakas si Carey, na nagpapagamot at sumasailalim na ngayon sa therapy, dahil, “It was too heavy a burden to carry, and I simply couldn’t do that anymore.”
Inihayag ng singer, na edad 48, na siya ay na-diagnose na may bipolar II disorder nang naospital noong summer ng 2001. Katatapos niyang ilabas noon ang inilarawan ng press na “MTV Meltdown” nang panahong ito. Ang kanyang pag-uugali ay pabagu-bago nang lumabas siya sa TRLna hosted ni Carson Daly.
Inilihim niya sa publiko ang tungkol sa kanyang sakit, dahil marahil sa nagaganap na drama sa kanya noong maospital siya. Nang lumabas siya sa Oprah para pag-usapan, sa unang pagkakataon ang tungkol sa kanyang “breakdown,” sinabi niya na hinarass siya ng mga reporter at paparazzi sa ospital, at dumating pa sa punto na naramdaman niyang maging sa ospital ay hindi pa rin siya makapagpahinga. Kasunod nito ang mabilis na pagkalat ng mga espekulasyon sa nangyari sa kanya. May mga ulat na nagtangka siyang magpakamatay, na kalaunan ay sinabi niyang walang katotohanan, at inihayag niya ang kanyang pangamba na baka maimpluwensiyahan nito ang kanyang mga batang tagahanga. May nag-ulat din na nagkaroon siya ng addiction issue, na itinanggi naman ng kanyang publicist. (“It is not an alcohol or a drug problem. I can say that unequivocally,” lahad nito.) May nagsabi naman na ang kanyang breakdown ay may kaugnayan sa kanyang breakup.
Si Carey ay isang celebrity na nanggaling sa kanyang sariling era. Kung napapanood ngayon ng publiko ang pag-amin ng ibang celebrity tungkol sa kanilang bipolar illness, nararanasang anxiety, depresyon, at postpartum depression, noong mga nakaraang taon ay hindi ganito kabukas ang pag-uusap tungkol sa ganitong mga karamdaman.
Gayunman, ngayong sumali na si Carey sa pagiging bukas sa publiko, nakahanda siyang mas ipaliwanag pa ang kanyang sarili, at sinabi niya sa People na, “I’m just in a really good place right now, where I’m comfortable discussing my struggles with bipolar II disorder. I’m hopeful we can get to a place where the stigma is lifted from people going through anything alone. It can be incredibly isolating. It does not have to define you and I refuse to allow it to define me or control me.”