MAY magandang balita mula sa Mindanao ngayong buwan. Ayon sa Philippine Statistics Authority, nakapagtala ng 22 porsiyentong kabuuang bilang ng iniluwas na mga kalakal ang Hilagang Mindanao sa unang bahagi ng 2017, ito ang pinakamataas sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Nakapagtala ng kabuuang 1.42 milyong tonelada ng kalakal ang limang probinsiya sa rehiyon— Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Oriental at Misamis Occidental. Naungusan nito ang Central Luzon na may 1.35 milyong tonelada; Central Visayas, 890,000 tonelada; Mimaropa, 560,000 tonelada; West Visayas, 500,000 tonelada; at National Capital Region, 480,000 tonelada.
Kamakailan, nakatanggap ng magandang balita ang Mindanao. Ikinokonsidera ng kongreso na doblehin ang makukuhang pondo ng Mindanao sa national budget para sa 2019. Sinabi ni Mindanao Development Authority (MINDA) Chairman Abul Khayr Alonto na mula sa 2018 budget share nito na 11.5%, magiging 24% ang bahagi ng Mindanao para sa 2019.
Ang karagdagang budget ay ilalaan sa pagpapaunlad ng industriya, ng micro at macro enterprises at para sa mga programa para sa mahihirap. Kabilang sa mga prayoridad na programa ng Mindanao development Corridors ang Mindanao High-Speed Railway System, land transport connectivity, at Mindanao Gateways. Ang bagong pondo ay mapupunta rin sa mga ospital at paaralan.
Sa loob ng ilang dekada, tinaguriang “Land of Promise” ang Mindanao ng mga pinuno ng bansa dahil sa taglay nitong mapagkukunang yaman, ngunit ang mamamayan at pinuno nito ay napagkaitan ng atensiyon mula sa pamahalaan na nasa “imperial Manila.” Ang pagsibol ng isang Pangulo na mula sa Mindanao- Pangulong Duterte ng Davao City – ay nagdulot ng malaking pagbabago sa atensiyon ng gobyerno at sa tugon ng publiko.
Ito’y simula pa lamang. Ang inaasahang pagdoble ng pondo sa Mindanao sa 2019 national budget ay magtataas sa pondo ng buong rehiyon ng 24%. Sa makatarungang interes, dapat ay 32-34%, ayon kay MINDA Chairman Alonto.
Ang mahalaga ay nagkakaroon ng pagbabago. Ang paglago ng ekonomiya ay makatutulong na mabawasan ang kawalang-kasiyahan ng mga rebelyon na nagsusulputan sa ilang bahagi ng Mindanao. Kasama ng kapayapaan at pag-unlad, tayo ay naniniwala na ang mga pangako para sa bahaging ito ng bansa ay matutupad.