Ni Mary Ann Santiago
Ipinaaresto ng isang negosyanteng Chinese ang kanyang katulong matapos umanong mabiktima ng “Dugo-Dugo” gang na tumangay ng kanyang P2.7 milyong cash at mga alahas sa Maynila, nitong Martes.
Ipinakulong ni Man Ko, 41, ng Mayfair Tower Condominium, na matatagpuan sa panulukan ng United Nations Avenue at Mabini Street, sa Ermita, ang kanyang stay-in kasambahay na si Victoria dela Rosa, alyas Dar, 57, dahil sa pagnanakaw sa kanyang cash at mga alahas.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Rhyan Rodriguez, ng Manila Police District (MPD)-Station 5, naganap ang insidente sa loob mismo ng condo unit ng negosyante, bandang 5:06 ng hapon.
Sa pahayag ni Dela Rosa, nakatanggap siya ng tawag sa telepono mula sa isang hindi nagpakilalang babae at sinabing nasangkot sa isang aksidente ang asawa ni Ko, na si Rena Alvarez, at naka-confine sa isang pagamutan.
Inutusan umano ng caller si Dela Rosa na sirain ang pintuan ng store room ng mag-asawa at kunin ang pera at mga alahas ng mga ito.
Matapos makuha ang pera at mga alahas, nakipagkita at iniabot umano ng katulong ang kayamanan ng biktima sa babae sa tapat ng isang drug store sa Tayuman St., sa Sta. Cruz, bago muling umuwi sa bahay ng kanyang amo.
Natuklasan ni Ko ang pagnanakaw at hindi pinaniwalaan ang pahayag ni Dela Rosa at ipinaaresto sa hinalang kasabwat ito ng caller.
Kabilang sa natangay ang P300,000 cash, isang Rolex watch, na nagkakahalaga ng P1.7 milyon; isang Omega watch, P400,000; isang Tag Heuer, P100,000; isang Ball watch, P150,000; at dalawa pang relo, P100,000.
Sasampahan si Dela Rosa ng qualified theft sa Manila Prosecutor’s Office.