Ni Aris Ilagan

MASARAP at maginhawa mag-ikot sa Metro Manila tuwing holiday.

Walang trapik, walang stress.

Sandali muna!

Ito ang unang inakala ni Boy Commute dahil nitong nakaraang Lunes, iba ang naranasan niya nang magtungo siya sa bahay ng kanyang kaibigan sa isang esklusibong subdivision sa Makati City.

Unang binalak ni Boy Commute na magtiyagang sumakay sa isang regular na pampasaherong jeepney noong araw na iyon.

Subalit dahil holiday at walang klase ang mga estudyante at wala ring pasok ang mga empleyado, nagpasya siyang sumakay sa app-based Grab taxi.

Dati siyang patron ng Uber at dahil binili na ito ng Grab company, hindi na ito tinangkilik ni Boy Commute bagamat mayroon pa rin itong bumibiyaheng mga unit.

Ito ay matapos pagkalooban ng ilang linggong palugit ng Philippine Competition Commission (PCC) upang makabiyahe, bagamat ito ay kontrolado na ng Grab company.

Isang Mitsubishi Mirage ang nasakyan ni Boy Commute sa kanyang pagpunta sa Makati City.

Magalang ang driver at suwabe magmaneho.

Stress-free ang biyahe ni Boy Commute, ngunit nakita niya na halos P300 ang kanyang babayaran sa sinakyang Grab unit.

Ito ay sa kabila na hindi lalagpas sa pitong kilometro ang distansiya ng kanyang pupuntahan mula sa kanyang bahay.

Holdap ito!

At dahil gusto niyang makalasap ng konting ginhawa, kinagat na lang niya ang kanyang dila.

Dati-rati ay hindi aabot sa P200 ang kanyang ginagastos sa kahalintulad na distansiya sakay sa Uber taxi.

At nang isiwalat ng isang mambabatas na ilegal na naniningil ng P2.00 sa kada minuto ang Grab sa biyahe nito, pakiramdam ni Boy Commute at bigla siyang tinamaan ng kidlat.

Bigla siyang natauhan na kaya pala ubod ng mahal maningil ang Grab ay dahil sa kahibangan na ito.

Mabuti na lamang ay nabuking at kung hindi, malamang ay tuluy-tuloy na lilinlangin ng kumpanyang ito ang mga commuter.

Ito ang ikinababahala ng PCC, kaya hangad nitong hadlangan ang monopolya ng Grab.

Dahil walang kakumpetensiya, malaki ang posibilidad na umabuso ito sa pagpapatupad ng sobrang singil sa pasahe.

Walang kalaban-laban ang mga commuter sa kagustuhang makahanap ng masasakyan sa kanilang patutunguhan, kinakagat na lang kahit alam nila na sinasamantala ng transport company ang sitwasyon.

Humihirit ang ilang sektor ng refund sa sobrang singil na P200 ng Grab.

May mangyari naman kaya sa inihihirit na ito?

Abangan na lang ang susunod na kabanata.