Ni Annie Abad

NASUNGKIT ni Paul Martin Dela Cruz ang ikatlong ginto sa pagpapatuloy ng 2018 Archery Asia Cup-World ranking tournament Stage II kahapon sa Rizal Memorial Baseball Field.

Katuwang ni Dela Cruz si Amaya Paz Cojuangco nang kunin ang ginto para sa Compound Mixed Team kung saan pinataob nila ang pambato ng Chinese Taipei na top seeded na sina Ming Ching lin at Che Wei Lin 151-147 sa final round.

“I’m very thankful, yung weather really cooperated, zero wind hindi masyadong mainit. kasi alam mo na kapag mahangin talagang hindi magiging stable ang game namin,” pahayag ni Cojuangco na kagagaling lamang sa matinding injury.

NBA games sa Los Angeles, ipinagpaliban dahil sa malawakang wildfire sa California

Naunang nagwagi si Dela Cruz ng gintong medalya sa Compound individual, Qualifying at Olympic round at sa Mixed team.

Samantala, naibulsa naman ng grupo nina Dela Cruz, Earl benjamin Yap at Joseph Vicencio ang pilak matapos mabigong makabawi sa tropa din ng chinese Taipei na sina Chen Hsiang, Wei Lin at Hsin Lin sa 233-235.

Bagama’t bigo na makuha ang ginto, masaya pa rin ang tropa ng Pilipinas sa mga nakuhang medalya, kung saan handa na silang sumabak sa nalalapit na kompetisyon ng Asian Games ngayong Agosto sa Indonesia.

Sa recurve mixed naman ay nakakuha ng bronze medal ang tandem nina Mark javier at Kareel Hongitan kontra sa mga pambato ng India na sina Richi at Akash sa 16-19 na pagkabigo.