Ni AARON RECUENCO

Mayroong 53 lugar sa Metro Manila na nangangailangan ng mahigpit na seguridad para sa barangay at Sangguninang Kabataan (SK) election sa Mayo, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sinabi ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde, susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP), na ang mga lugar na ito ay nagkaroon na ng election-related violence noong 2013 barangay election.

“Most of them are in northern and southern part of Metro Manila,” ani Albayalde.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Binanggit niya ang Caloocan at Malabon sa hilaga, at Taguig City sa Timog ng Metro Manila bilang mga poll hotspots.

Sinabi ni Albayalde na inilalatag na ng pulisya ang plano upang maiwasan ang kaguluhan sa eleksiyon, lalo na sa mga nabanggit na mga lugar.

“We will strengthen our operations and the conduct of checkpoints and of course maximize police presence not only during the elections but also before and after,” pahayag niya.

Itinuturing ng pulisya na mas marahas ang barangay election kaysa national election, dahil nasa iisang komunidad lamang ang magkakalaban.

Sa nakalipas na mga barangay election, ang kandidato at incumbent kabilang na ang mga taga-suporta nito ang kalimitang biktima ng pamamaril, kaya mahalaga umano ang gun ban.

Ipatutupad ang gun ban mula Abril 14-Hunyo 14.