Nina Rommel P. Tabbad at Fer Taboy
CAGAYAN DE ORO CITY - Hindi basta-bastang makaaalis sa kanilang lugar ang nasa 40 alkalde sa Lanao del Sur, dahil sa banta ng terorismo sa lalawigan.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, epektibo pa rin ang inilabas niyang direktiba sa militar na hindi nila papayagang makalabas sa naturang lalawigan ang mga alkalde nito upang mabantayan pa rin ang nasasakupan nilang mga bayan at lungsod laban sa grupong Maute-ISIS.
Tinukoy ng opisyal ang paghasik ng kaguluhan ng terrorist group sa bayan ng Butig at sa Islamic city ng Marawi, Lanao del Sur ilang taon na ang nakararaan.
Makalalabas lamang, aniya, ang mga tinukoy na alkalde kapag mayroong sapat na dahilan, partikular kung emergency.
Mahigpit aniya ang pagsubaybay ng militar at pulisya sa mga mayor ng Lanao del Sur, alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang hindi mapababayaan ang kanilang mga lugar.
Natuklasang ilan sa mga mayor sa Lanao del Sur ay umuuwi pa sa Cagayan de Oro City at maging sa Central Mindanao kaya hindi nila namo-monitor ang pagpasok ng mga terorista sa kanilang lugar.