Nina Rommel P. Tabbad at Mary Ann Santiago

Kinumpirma kahapon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nagsimula na ang tag-init sa bansa.

Bago magtanghali kahapon, opisyal nang idineklara ng PAGASA ang pagpasok ng summer season sa Pilipinas.

Ayon kay Ezra Boquirin, weather specialist ng PAGASA, tuluyan nang nalusaw ang amihan na nanggaling ng Siberia at pinalitan na ito ng high pressure area (HPA), na nagmumula naman sa north western Pacific.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Samantala, pinayuhan kahapon ng Department of Health (DoH) ang publiko na mag-ingat laban sa mga sakit na karaniwang nakukuha tuwing tag-init.

Ayon sa DoH, isa sa mga sakit na dapat na iwasan ngayong tag-init ang heat stroke, na nakamamatay.

Upang maiwasan ang heat stroke, ayon sa DoH, iwasang magbilad sa araw mula 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.

Kung hindi maiiwasang lumabas sa bahay, mas makabubuti umanong gumamit ng panangga sa araw, tulad ng payong at sombrero.

Ugaliin din umanong magbaon at uminom ng maraming tubig upang makaiwas sa dehydration, na maaaring mauwi sa heat stroke.

Bukod sa heat stroke, dapat ding umiwas sa sore eyes, na sanhi ng bacteria o virus, at maiiwasan sa regular na paghuhugas ng kamay.

Isa rin sa mga pinoproblema tuwing tag-init ang sunburn, kaya pinayuhan ang publiko na huwag magbilad sa araw at gumamit ng sunblock, na hindi bababa sa SPF-30, 30 minuto bago lumabas sa bahay at maglagay uli makalipas ang dalawang oras.

Isa rin sa mga nagiging sakit tuwing tag-init at pabagu-bagong panahon ang sipon at ubo.

Pinapayuhan ang matatanda na magpabakuna laban sa flu, bago sumapit ang Hunyo kung kailan madalas nagkakatrangkaso ang mga tao.

Suriin ang mga kinakain at iniinom, dahil ang pagkain at pag-inom ng kontaminado ay nagiging sanhi ng pagtatae at pagsusuka, ayon pa sa DoH.

Ang sakit sa balat, gaya ng pigsa, ay madalas nakukuha sa mga lugar kung saan may kakulangan sa tubig, siksikan at hindi regular na naliligo. Maaari ding makakuha ng sakit sa balat sa mga swimming pool.

Nagbabala rin ang DoH laban sa sakmal ng aso, na maaaring maging sanhi ng rabies.