Ni Manny Villar
AYON sa isang pag-aaral na isinagawa ng JobStreet.com, 77 porsiyento ng mga Pilipino ang mas nais magtrabaho sa pampublikong sektor. Binanggit ng mga tumugon sa pag-aaral ang katatagan ng trabaho, benepisyo sa pagreretiro at pagsulong sa karera bilang mga dahilan ng kanilang pasya.
Maraming paraan ng pagtingin at pagsusuri sa mga survey. Sa unang tingin, ipinakikita ng nasabing pag-aaral ang malaking pagtitiwala ng mga mamamayan sa pamahalaan, lalo na sa administrasyong Duterte.
Ngunit may isang bagay na hindi naitanong sa nasabing pag-aaral. Mas nais ba ng mga Pilipino na maging negosyante kaysa magtrabaho mula ika-siyam hanggang ika-lima sa araw-araw?
Naniniwala ako na isa sa mga pagbabagong dapat magawa ng mga Pilipino ay ang pagkakaroon ng entrepreneurial mentality. Sa pangkalahatan, nais ng mga Pilipino na mamasukan sa malalakingkumpanya sa mga sentro ng negosyo sa bansa. Nakaaakit sa mga batang propesyonal ang imahe ng isang ehekutibo na nakakurbata sa kanyang sariling kubiko.
Hindi kailanman naging kaakit-akit sa akin ang matali sa isang opisina. Sinubukan ko ito pagkatapos mag-aral ngunit mas malakas ang hatak ng pagiging entrepreneur. Sa halip na madikit sa mesa habang sumasagot sa amo, pinili ko ang karera kung saan makapagbibigay ako ng solusyon sa problema ng mga tao, at ang buong mundo ang aking opisina.
Ibig ko lang liwanagin. Pinupuri ko ang mga tao na itinutuon ang kanilang sarili sa serbisyo publiko o sa pamamasukan sa pribadong sektor. Ang punto ko ay dapat palakasin ang entrepreneurial development sa ating bansa, lalo na sa mga kabataang Pilipino.
Habang bata pa, dapat mahikayat ang mga Pilipino na tingnan ang mga problema sa kanilang paligid at pag-aralan kung paano ito malulunasan. Ito ang gawain ng mga entrepreneur. Kailangang sindihan ang diwa ng pagiging entrepreneur sa kabataang Pilipino sa halip na mangarap lamang na maging empleyado.
Kailangang pangunahan ng pamahalaan ang adhikaing ito. Ayon sa isang pag-aaral, pangalawa sa huli ang Pilipinas sa Asia Pacific kung ang pag-uusapan ay ang pinakamabuting dako sa pagsisimula ng negosyo. Tinukoy sa nasabing pag-aaral ang maraming reglamento at ang kundisyon ng pagnenegosyo bilang mga hadlang sa mga nais magsimula ng negosyo.
Naniniwala ako na malaki ang magagawa nito sa pagsusulong ng ekonomiya sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte at ng kanyang mga economic manager.
Ngunit malaki pa ang dapat gawin upang mahikayat ang mga entrepreneur na magsimula ng negosyo. Ito ang ideya sa likod ng partnership sa pagitan ko at ng aking alma mater, ang Unibersidad ng Pilipinas, upang itatag ang UP School of Technology Entrepreneurship sa loob ng UP Alabang campus bilang plataporma sa kinabukasan para sa mga “technopreneur,” kung saan magsasama ang makabagong teknolohiya at mga business model, at upang maunawaan din ang marapat na kapaligiran para masustinahan ang mga negosyo.
Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph