ISINUSULONG sa Kongreso na baguhin ang kasalukuyang sistema ng ranggo sa Philippine National Police (PNP), upang magaya ito sa ginagamit na ranggo sa Armed Forces of the Philippines (AFP), sa pamamagitan ng House Bill No. 5236 na inihain ni Antipolo City Rep. Romeo Acop, na dating pulis.
Sinabi ni outgoing PNP chief Director General Ronald dela Rosa na iminungkahi ni Pangulong Duterte na gamitin ng PNP ang ranggo sa AFP upang mas madaling maunawaan ng publiko. Suportado rin ito ni incoming PNP Chief Oscar Albayalde.
Bago pa ang AFP at PNP, itinatag ng mga pamahalaang kolonyal ng Amerika noong 1901 ang Philippine Constabulary (PC) kapalit ng Guardia Civil ng Espanya. Dito hinango ang Philippine Army (PA), na nilikha naman ni Commonwealth President Manuel L. Quezon noong 1936. Itinatag ang AFP matapos na ideklara ang kalayaan ng Pilipinas noong 1946 na may apat na sangay ng servisyo, PA, PC, Philippine Air Force (PAF), at Philippine Navy (PN).
Malaki ang ginagampanan ng AFP at ng pulisya sa pagpapatupad noon ng batas militar sa panahon ni Pangulong Marcos noong 1972. Kaya naman pagkatapos ng People Power Revolution noong 1986 ay tiniyak ng mga lumikha ng bagong Konstitusyon na ihihiwalay na ang pulisya sa militar. Ito ang nakasaad sa Article 6, Section XVI ng kasalukuyan nating Konstitusyon: “The state shall establish and maintain one police force, which shall be national in scope and civilian in character...”
Upang matukoy ang kaibahan ng pulisya, pinalitan ang ranggo ng militar ng katawagang sibilyan, na halaw sa puwersa ng pulisya mula sa ibang bansa. Halimbawa, ang Major ay naging Chief Inspector. Ang Colonel ay Senior Superintendent. Ang Brigadier General ay Chief Superintendent. At ang General ay Director.
Gayunman, sa nakalipas na mga taon, ang PNP Inspectors, Superintendents at Directors na tinatawag na Majors, Colonels, at Generals. Ang mga ranggong ito ay mas marangal na pakinggan. Bukod dito, gaya ng sinabi ni Director Albayalde, baka malito ang publiko at ang police inspector ay maipagkamali sa bus inspector, at ang police superintendent bilang school superintendent.
Gayunman, inamalhan ni Senador Panfilo Lacson ang panukalang ibalik sa PNP ang ranggong militar. Partikular na nakasaad sa Konstitusyon na kailangang ang PNP ay “civilian in character”, aniya, at ang paggamit ng mga ranggong sibilyan ay dapat na nakabatay sa probisyon.
Inaprubahan na ng Kamara ang House Bill 5236, ngunit maaaring harangin ito sa Senado. Kailangang pagpasyahan kung ang pagbabalik ng ranggong military ay lalabag sa sibilyang karakter ng PNP. O kung maaari naman itong ikonsidera para sa kapakanan ng publiko na siyang kumikilala sa tungkulin ng mga pulis.