Ni Orly L. Barcala

Patay ang isang mag-ina nang hindi nakalabas sa nasusunog nilang bahay sa Caloocan City, nitong Lunes ng gabi.

Halos hindi na makilala ang bangkay nina Germinda Carbonel, 74; at Banjo Carbonel, 51, na nakulong sa basement ng kanilang bahay sa Barangay Tala.

Sa report ni Fire Supt. Gary Alto, ng Bureau of Fire Protection, nilamon ng apoy ang bahay ng mga Carbonel, dakong 10:00 ng gabi.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Tumagal ng halos isang oras ang sunog, na umabot sa ikalawang alarma, bago tuluyang naapula.

Sa ngayon ay blangko pa ang mga imbestigador kung ano ang sanhi ng sunog, ngunit ayon kay Pepito Carbonel, nakababatang kapatid ni Banjo, ang huli ang posibleng dahilan ng insidente.

Ayon kay Pepito, nagwala sa loob ng bahay si Banjo at halos lahat ng kanilang gamit ay binasag nito, dakong 8:00 ng gabi.

Aniya, nagkaroon ng problema sa pag-iisip si Banjo simula nang umuwi galing sa Kuwait at madalas sumpungin kapag hindi nakaiinom ng gamot.

“Iginapos ko tapos ipinasok ko sa bahay para hindi makasakit ng tao, tapos iniwan ko na sa basement at lumabas na ‘ko ng bahay namin,” kuwento ni Pepito.

Makalipas ang ilang oras, nakita na lang niya na nagliliyab na ang kanilang bahay.

“’Yun ang pagkakamali ko, iniwan ko siya sa loob, siguro pinakawalan ni Nanay si Banjo at sa galit ay sinunog ang bahay namin,” dagdag pa ni Pepito.

Aabot sa P500,000 ang halaga ng ari-ariang natupok.