Ni Celo Lagmay
TILA naalimpungatan ako sa bago at nagbabagang pahayag ni Pangulong Duterte: “Oust Sereno now.” Ang tinutukoy ay natitiyak kong si Chief Justice-on leave MaLourdes Sereno. Nahigingan ko na ang naturang pahayag ay bunsod ng mga bintang na ang Pangulo ay sinasabing nakikialam sa pagsampa ng quo warranto at impeachment cases laban sa naturang Mahistrado -- isang bagay na paulit-ulit nang itinanggi ng Malacañang.
Ang nabanggit na pahayag ng Pangulo ay kabaligtaran naman ng kanyang pahiwatig kamakailan: “I trust him.” Ang tinutukoy naman ay si NFA Administrator Jason Aquino na hanggang ngayon ay pinuputakti ng mga pagbatikos dahil sa masalimuot na isyu sa bigas.
Sa pagtalakay sa nabanggit na maselang isyu, hindi ko tatangkaing busisiin ang mga detalye ng pagsasampa ng mga kasong impeachment at quo warranto. Manapa, ipaubaya na lamang natin sa kinauukulang mga hukuman -- sa Supreme Court at sa Senado bilang impeachment court -- ang paglilitis at pagpapasiya sa mga asunto.
Sapat nang bigyang-diin natin na ang pagsasampa ng iba’t ibang usapin ay bahagi ng isang malusog na demokrasya. Ang sinumang nahaharap sa gayong mga problema ay may karapatang maglahad ng mga argumento na naaayon sa umiiral na mga batas.
Nakalulungkot nga lamang na may mga pagkakataon na tagibang ang pagpapatupad ng mga batas. Ibig sabihin, umiiral ang tinatawag na compartmentalized justice, lalo kung ang nahaharap sa mga asunto ay mga masasalapi at makapangyarihan. Bulag ang katarungan, wika nga.
Nasaksihan na natin ang gayong nakadidismayang mga eksena noong nakaraang administrasyon. Hindi ba may mga lingkod ng bayan -- kabilang na ang mga naging pangulo at mga senador -- na humantong sa mga detention centers dahil lamang sa sinasabing malabnaw na mga bintang? Katunayan, ang ilan sa kanila ay napilitang palayain dahil marahil sa mabuway na mga asunto.
Gaano man kabigat ang mga asunto at sinuman ang mga nakahabla, marapat lamang pausarin ang tunay na diwa ng mga batas. Sabi nga ng mga Kano: “We are governed by laws and not of men.”
Nangangahulugan lamang na walang sinuman ang nakahihigit sa batas. Muli, sabi nga ng mga Kano: “Nobody is above the law.” Hayaan nating gumulong ang katarungan.