Ni Light A. Nolasco

TALAVERA, Nueva Ecija - Nahaharap sa kasong robbery/extortion ang tatlong katao sa pagtatangkang kikilan ang may-ari ng peryahan sa palengke ng Talavera, Nueva Ecija, nitong Sabado ng gabi.

Sa ulat na ipinarating ni Supt. Joe Neil E. Rojo, OIC ng Talavera Police, sa tanggapan ni Senior Supt. Eliseo T. Tanding, Nueva Ecija Police Provincial Office director, kinilala ang mga naaresto na sina Rowie Mahilum, 39, ng Barangay Topas, Makati City; Victoriano Ramos III, 27, ng Bgy. Aquino, Pateros; at Kathleen Claire M. Daroy, na pawang nagpakilalang media representative at dumayo sa nasabing lugar.

Nakatanggap ng tawag ang pulisya mula kay Leonilo dela Cruz, ng Bgy. Maestrang Kikay, tungkol sa umano’y pangongotong ng mga suspek, na nagpakilalang mga miyembro ng hindi binanggit na media entity sa Metro Manila.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Dakong 9:30 ng gabi nang dumating ang tatlong suspek sa nasabing peryahan at nagbanta umanong ilalathala ang illegal gambling activities sa peryahan kung hindi magbibigay ng P5,000.

Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng magkabilang panig, hanggang sa magpasaklolo sa pulisya ang pamunuan ng ‘Fun Fair’ at nadakip ang mga suspek.