Ni Jun Fabon

Dumanak ng dugo sa inuman ng magkakapitbahay, na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng dalawang iba pa, matapos sugurin ng isa umanong inggiterong residente sa Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Hindi na umabot nang buhay sa East Avenue Medical Center (EAMC) si Ramelito Vacania y Aguilar, 43, construction worker, ng No. 88 Phase 1, Purok 12, Lupang Pangako, sa Payatas ng nasabing lungsod, na nagtamo ng saksak sa dibdib at katawan.

Nasugatan naman sa braso at kamay sina Rolly Salinas, 37; at Richard Lluz, 38, kapwa kapitbahay ni Vacania.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Agad naaresto ng mga pulis ang suspek na si Raymund Asebo, 33, ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ni PO3 Roldan Cornejo, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), naganap ang pananaksak sa tapat ng bahay ni Vacania, dakong 10:00 ng gabi.

Nag-iinuman ang grupo ng biktima, kasama ang isang alyas Navarro, nang sumulpot ang umano’y lasing na si Asebo at kinumpronta si Vacania.

Palapit pa lang si Vacania sa suspek nang undayan siya ng saksak ng huli, at dito tinangkang umawat nina Salinas at Lluz na sanhi ng kanilang pagkakasugat.

Sinasabing muling pinagsasaksak ng suspek ang biktima hanggang sa duguang bumulagta.

Isinugod si Vacania sa pagamutan subalit binawian ng buhay, habang nadakip ng rumespondeng mga pulis si Asebo.