Ni PNA
INIHAYAG ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang istriktong monitoring ng lungsod sa presyo ng commercial rice.
Ito ay sa kainitan ng usapin sa kakulangan ng supply ng murang bigas ng National Food Authority (NFA) sa rehiyon.
Ang pahayag ay kasunod ng natanggap na impormasyon ng alkalde mula sa NFA-Region 11 na nasa “zero-volume situation” na ang reserbang NFA rice sa rehiyon, at inaasahang sa Hunyo pa muling madadagdagan ang imbak nito.
Sinabi ni Mayor Sara na nakikipagtulungan na ang pamahalaang lungsod sa NFA at sa Department of Agriculture (DA) upang masiguro na kabilang ang rehiyon ng Davao sa unang mabibigyan ng supply ng NFA Rice.
“While waiting, we are closely monitoring non-NFA rice to ensure supply and that rice retail prices are right and within what’s mandated by law,” pahayag ni Duterte-Carpio.
Dagdag pa ni Duterte-Carpio na ang NFA at NFA Council, bilang mga ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa supply ng bigas sa bansa, ay may layuning bumuo ng solusyon upang mapanatili at matugunan ang supply ng bigas para sa mga Pilipino.
Ang NFA Council, na pinamumunuan ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr., ay binubuo ng mga kawani mula sa mga ahensiya ng gobyerno, mga financial institution, at pribadong sektor gayundin ng mga magsasaka. Ito ay itinatag sa bisa ng Presidential Decree No. 1770 upang masiguro ang seguridad ng supply at matatag na presyo ng bigas sa bansa.
Sa nakalipas na dalawang linggo ay nagpahayag ng pagkabala ang mga NFA retailer sa kumakaunting supply ng NFA rice sa mga pamilihan.
Dahilan din ito upang makipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga rice trader at mangako na magbibigay ng 700,000 sako ng bigas upang mapunan ang NFA stock na maaaring ibenta sa P39 kada kilo.
Noong Biyernes, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nais ng Pangulo na ilagay sa ilalim ng pamamahala ng Office of the President ang NFA.
Sinabi ni Roque na ikinokonsidera rin ng Pangulo ang mungkahi na ilagay sa pamamahala ng opisina ni DA Undersecretary Bernadette Romulo-Puyat ang pag-aangkat ng bigas.