Ni Clemen Bautista
MARAMI sa ating mga kababayan lalo na ang mga consumer o gumagamit ng kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) na tuwing summer o tag-araw ay nagpapahayag ng dagdag-singil sa kuryente. Ang dagdag-singil sa kuryente ay nangyayari din sa panahon ng “ver months”. Ang dalawang panahon, kung susuriin, ay parehong malakas ang paggamit at konsumo ng kuryente sapagkat kung summer o tag-araw ay mainit ang panahon. Todo-gamit ng mga electric fan o bentilador. Mahirap, mayaman o busabos man. Sa hangin na dala ng electric fan, naiibsan ang nadaramang init at alinsangang hatid ng tag-araw. Kung matindi ang init, itinatapat sa katawan ang electric fan. Sa mga nakaririwasa sa buhay at masasabing nakahilata sa salapi, ay bukas maghapon-magdamag ang kanilang aircon sa bahay at kuwarto. At kapag natanggap na ang electric ng bill ng Meralco, asahan na ang malaking halagang ibabayad sa kuryente.
Ngayong tag-araw, ilang araw matapos ang Semana Santa, ipinahayag ng tambolero ng Meralco na magdaragdag ng singil sa kuryente ng halagang P23 sentimos kada kilowatt hour (kWh). Tulad ng ginagawang paliwanag ng tambolero ng Meralco sa dagdag-singil sa kuryente, ang litanya o paliwanag niya, ay dahil sa pagtaas ng generation charge na bibilhan ng kuryente. Ang dagdag-singil ay ipapatong sa generation charge ng mga consumer.
At tulad din ng dati, palibhasa’y may basbas at bendisyon na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang dagdag-singil sa kuryente, walang magagawa ang mga consumer kundi ang sumunod at pasanin ang nasabing dagdag-singil sa kuryente. Ang iba’y napapakamot na lamang ng ulo. Ang mga nainis at nagalit naman na consumer ay hindi maiwasan ang magmura na parang si Pangulong Duterte na ayon sa iba nating kababayan, kapag nagmumura, ang bibig ay mabaho pa sa puwit ni Lucifer.
May iba’t ibang reaksiyon sa dagdag-singil sa kuryente ng Meralco ang ating mga kababayan. Halos nagkakaisa sila ng pahayag sa interbyu ng inyong lingkod sa pagsasabing para na naman silang kukuryentihin sa pagbabayad ngayong tag-araw. May nagpahayag naman na ang dagdag-singil sa kuryente ay isa namang malinaw at panibagong pagsasamantala ng Meralco. Marami rin ang nagsabing sa panibagong dagdag-singil sa kuryente, ang Meralco ay hindi na rin naiiba sa mga dambuhalang kompanya ng langis na ganid sa tubo, ganansiya at pakinabang. Ang dagdag-singil sa kuryentye ay isang garapal na pagsasamantala sa mga gumagamit ng kuryente.
Sa mga minimum wage earner, sinabi nila na sa dagdag-saingil sa kuryente, baka mawalan na naman ng LIWANAG ang kanilang buhay at bahay sapagkat hindi nila kaya ang dagdag-singil sa kuryente. Tiyak, puputulan sila ng kuryente at babaligtarin ang kanilang kontador.
Dahil sa mangyayaring dagdag-singil sa kuryente ngayong summer o tag-araw, marami na sa ating mga kababayan at consumer ng kuryente ang humihiling na ilantad na ng ERCsa publiko ang ginagawa nilang pagdinig o hearing para malaman ang tunay na mga dahilan at mga katwiran sa dagdag-singil sa kuryente. Nangyayari kasi na nabibigla at nagugulat na lamang ang mga consumer ng kuryente kapag nagpapahayag na sa radyo at telebisyon ang tambolero ng Meralco, tungkol sa dagdag-singil sa kuryente. Marami ang nagagalit at naiinis na consumer.
Sa tuwing may nangyayaring dagdag-singil sa kuryente ang Meralco, hindi maiwasan na may mga kababayan tayo na naghihinala na ang ERC at ang Meralco ay baka nagsasabwatan umano sa pagtataas ng singil sa kuryente na pabigat at parusa sa mga consumer. Maliit man o malaki ang dagdag-singil.