Ni Mary Ann Santiago
Binalaan ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang iba pang kawani ng gobyerno sa bansa, partikular na ang mga nasa Department of Transportation (DOTr), laban sa pangongotong dahil tiyak aniyang bukod sa masisibak sa puwesto ay kakasuhan pa ang mga ito.
Ginawa ni Tugade ang babala matapos niyang sibakin sa puwesto ang lahat ng empleyado ng sangay ng Land Transportation Office (LTO) sa Bayombong District at Aritao Extension sa Nueva Vizcaya, na inakusahang sangkot sa extortion activities.
Ayon kay Tugade, mismong si Pangulong Duterte ang nakatanggap ng reklamo mula sa mga rice trader at truckers laban sa mga empleyado ng naturang sangay ng LTO, sa stakeholders’ meeting sa Malacañang nitong Huwebes.
Sinabi ng kalihim na nagalit ang Pangulo at kaagad siyang inatasan na sibakin ang lahat ng tauhan ng nasabing LTO branch, kahit pa iniimbestigahan pa lamang ang nasabing alegasyon.
Sakaling mapatunayang nagkasala, inaasahang mahaharap din sa kaukulang mga kaso ang mga sinibak na empleyado.