Ni Ric Valmonte
TINANGGAP na ni Pangulong Duterte ang pagbibitiw ni Sec. Vitaliano Aguirre bilang kalihim ng Department of Justice(DoJ). Matatawag mo bang pagbibitiw ito sa tunay na buod ng salita. Kasi, ang pagbibitiw ay nangangahulugan ng pagkukusa o bukal sa loob. Ang problema, bago mag-resign si Aguirre, naiulat na mayroong dalawang miyembro ng Gabinete ng Pangulo ang nakatakda na niyang sibakin. Sinundan pa ito ng balita na hinihintay ng Pangulo ang resignation ng mga ito, pero wala pa raw itong natatangap lalo na nang malakas na umugong na si Sec. Aguirre ang isa sa kanyang patatalsikin. Nang maghain na ng resignation si Aguirre, tinanggap na ito ng Pangulo. Ang pagsusumite ni Aguirre, ay tinanggap na ng Pangulo. Ang pagsusumite ni Aguirre ng kanyang resignation ay nalihim sa publiko, pero ang pagtanggap nito ng Pangulo ay siyang publikong nahayag.
Kaya, kung resignation man na matatawag ang ginawa ni Aguirre, ito ay maituturing na forced resignation o pwersahang pagbibitiw. Paggalang ito ng Pangulo sa dating DoJ Secretary, marahil sa pagiging brother niya sa Lex Taliones fraternity sa San Beda School of Law. O kaya, forced acceptance o pwersahang pinagbitiw siya ng Pangulo upang kahit paano, ay mapahupa ang galit ng publiko sa ginawa ng DoJ na pag-abswelto kina Kerwin Espinosa, Peter Lim at mga convicted drugs sa salang illegal drug trade. Hindi kasi maiiwasang hilahin ang Pangulo sa isyu at lalong titibay ang paniniwala ng mamamayan na peke ang kanyang war on drugs. Sa madaling salita, walang magagawa ang Pangulo kundi ilaglag ang dating DoJ secretary pero sa paraang magaan na matatanggap nito.
Kasi, madali namang gawin ng Pangulo sa kanya iyong ginawa niya sa dati niyang Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary na mismo sa pulong ng kanyang Gabinete ay sinabihan niya ito na “you are fired.” Ganito rin ang ginawa niya sa opisyal ng kanyang administrasyon nang kontrahin nito ang ipinahayag niya sa publiko nang publiko rin niyang sabihin ang sinabi niya sa kanyang DILG secretary.
Pero, walang pagkakaiba ang nangyari sa DoJ at Bureau of Customs (BoC). Lumabas sa BoC nang malaya ang napakalaking shabu shipment sa paraang ginawa nina dating BoC Commissioner Faeldon at kanyang mga kasama. Nagresign din sina Faeldon, pero na-promote pa sila sa ibang mga pwesto sa ibang departamento. Pero ang pinagkaiba, nagawa nina Faeldon na masarili nila ang pananagutan kahit sangkot ang anak at manugang ng Pangulo. Kaya, sa mga ito lang isinisisi ng publiko ang nangyaring paglusot ng napakalaking halaga ng shabu shipment sa BoC. Ang problema ni Aguirre, hindi niya naitago nang matagal ang ginawa ng kanyang departamento at nagkabuhol buhol ang kanyang ginawang remedyo. Masasalamin sa kanyang mga ginawa na pwersado lang niyang ginawa ang pag-abswelto sa grupo ni Kerwin. Mayroong nasa likod niya na hindi niya matatanggihan o masusuway.