Nina Fer Taboy at Beth Camia

Na-rescue ng Philippine Coast Guard (PCG) ang may kabuuang 43 katao makaraang tatlong bangka ang magkakahiwalay na tumaob sa Samar, Camarines Norte at Palawan nitong Linggo.

Batay sa delayed report ng Philippine Navy (PN), unang nailigtas ang 14 na katao—10 dayuhan at apat na boat crew—sa isla ng El Nido, Palawan makaraang matagpuan ang mga itong palutang-lutang kasunod ng pagtaob ng sinakyang motorized banca.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa salaysay ng mga ito, naramdaman nilang biglang lumakas ang alon na sunud-sunod na humampas sa kanilang bangka hanggang sa lumubog ito.

Dahil dito, pansamantalang kinansela ang tour sa El Nido.

Inihayag naman ni Capt. Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, na 10 pasahero ang sakay sa bangkang de-motor na patungong Western Samar nang tumaob sa bahagi ng Barangay Darahoway sa Catbalogan City, nitong Linggo ng hapon.

Nasa 19 na katao rin ang na-rescue ng PCG sa lumubog na motorized banca sa Sitio Angalan, Banocboc, Calaguaz Island, Vinzons, Camarines Norte.

Isinisi ang insidente sa malalaking alon at lakas ng hanging bunsod ng amihan o northeast monsoon.

Pinag-iingat naman ng PCG at Philippine Navy ang maliliit na sasakyang-pandagat, lalo na sa bahagi ng silangan ng bansa, dahil na rin sa nasabing lagay ng panahon.