Sinulat at mga larawang kuha ni JJ LANDINGIN

NGAYONG unti-unti nang nilalamon ng modernisasyon ang kaisipan lalo na ang kabataan o ang millennials sa paglipana ng mga kagamitang tulad ng cellphones, tablets at laptops, pinangunahan ng matatandang Igorot ng Tadian, Mountain Province ang pagsagawa ng tradisyunal na pagtatanim at pagkumpuni ng mga tradisyunal na bahay na pinagyaman ng panahon

"Sukyab" o ang pagkukumpuni ng "binangi" o tradisyunal na bahay ng Ytadian ng Tadian, Mt. Province. - JJ Landingin

Kasama ang mga opisyales ng pamahalaan ng munisipalidad ng Tadian sa pangunguna ni Mayor Anthony Wooden, ipinakita ng mga Ytadian ang Sukyab di Binangi o ang tradisyunal na pagkukumpuni sa sinaunang bahay. Ayon kay Wooden, ang kainaman ng binangi sa buhay ng mga Ytadian ay napatunayan sa mga nagdaang panahon na hindi ito basta-basta nasisira ng gaano man kalakas na bagyo dahil sa matibay ang pagkakagawa.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Ang binangi ay yari sa mga materyales na nanggaling sa kalikasan. Ang pundasyon nito ay pino o pine tree na marami sa Tadian. Ang kabahayan ay yari rin sa pino na hindi ginamitan ng mga metal na pako kundi

pinagdugtong-dugtong lamang sa pamamagitan ng pag-ipit at matitibay na kawayang ginawang parang pako.

Paliwanag niya, kahit matibay pa ang kabahayan ay kailangan ding hanapin ang medyo humina nang bahagi sa katagalan ng panmahon para masiguradong mas tatagal ito. Pero bago isinasagawa ang pagkukumpuni ay nagritwal muna ang matatanda para hingin ang patnubay ng Maykapal at ng iba pang makapangyarihan na hindi nakikita.

Pagkatapos ng “Sukyab di Binangi” ay isinunod ang tuned o ang tradisyunal na pagtatanim ng palay. Sabi ni Wooden, bagamat marami pa rin ang kabataang Tadian na marunong magtanim ng palay, hindi sapat ang pag-intindi sa tuned bilang bahagi ng kanilang mayamang kultura na humubog sa buhay ng kanilang mga ninuno sa loob ng matagal na panahon.

Pinangunahan ang tuned ng mga nakakatandang Ytadian na nakagayak ng tradisyunal na kasuotan gaya ng bahag at tapis.

Ang itinanim na palay ay tinatawag nilang diket o malagkit na hihintaying maani sa loob ng anim na buwan.

Ipinakita naman ng kalalakihan kung paano manghuli ng dyodyo o Japanese eel gamit ang nilalang basket.

Pagkatapos ay bumalik ang mga tao sa binangi para isagawa ang pagdarasal bilang bahagi ng ubaya upang mapanatili ang kaayusan ng komunidad at saka naganap ang salu-salo.