Ni MARY ANN SANTIAGO

Patay ang isang lalaki nang silaban ang sarili sa loob ng inuupahang bahay ng kanyang kapitbahay sa Tondo, Maynila kahapon.

Halos hindi na makilala ang bangkay ni Renato de Jesus, alyas Kulot, tinatayang nasa edad 40, nang marekober ng awtoridad.

Sa ulat ng Arson Division ng Manila Police District (MPD), naganap ang insidente sa 728 Maria Guizon Street sa Gagalangin, Tondo, na inuupahan ni JR Ferrer, kapitbahay ng biktima, bandang 9:58 ng umaga.

Eleksyon

Diwata, nabudol nga ba ng sinalihang party-list?

Una rito, nagulat na lang umano ang pamilya Ferrer nang biglang pumasok sa kanilang bahay ang biktima habang may hawak na martilyo.

Aligaga umano ang biktima at tila may pinagtataguan at sinabihan pa silang huwag dudungaw sa bintana dahil may humahabol sa kanya.

Dahil sa takot, umalis na lamang ang pamilya Ferrer at iniwan si Kulot.

Makalipas ang ilang sandali ay napansin umano ng pamilya Ferrer ang usok na nagmumula sa kanilang bahay, at tuluyang nasunog at hindi na nakalabas ang biktima.

Agad rumesponde ang mga bumbero at naapula ang apoy, na umabot sa unang alarma, sa ganap na 10:16 ng umaga,

Ayon naman sa ilang saksi, napansin nila kamakailan ang kakaibang kilos ni Kulot at tila may pinuproblema.

Iniimbestigahan na ng awtoridad ang insidente.