Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Sinabi ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na handa siyang tanggapin sa Pilipinas ang Rohingya refugees mula sa Myanmar basta’t gagawin din ito ng mga bansang European.

Ginawa ni Duterte ang pahayag kasabay ng muli niyang pagtuligsa sa United Nations (UN) sa pagbabatikos sa kanya kaugnay sa mga namatay at umano’y mga biktima ng human rights violations na dulot ng kanyang madugong giyera kontra ilegal na droga.

Sinabi ni Duterte na hindi siya tahasang mabatikos ng UN at ang Pilipinas habang mayroong mas malalalang isyu kabilang ang kapalaran ng Rohingya Muslims sa Myanmar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“So huwag kayong maniwala nitong… Hindi nga nila ma-solve-solve ‘yung [Rohingya]. ‘Yun ang genocide talaga, if I may say so. Kaibigan ko pa naman ‘yung babae,” aniya, na ang tinutukoy ay si Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi.

“The way it’s being presented to the world. Kawawa talaga ang mga tao doon. Me? We? I’m willing to accept refugees. Rohingyas, yes. I will -- pero hati-hati tayo sa Europe,” dugtong niya.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sa press briefing sa Tanauan, Leyte, na kayang i-accommodate ng Pilipinas ang malaking bilang ng Rohingya refugees.

“The Philippines has always had an open door policy for refugees,” ani Roque. “So it is in that kind of tradition that the President stated that we’re willing to open our doors to Rohingya refugees.”