Ni Jun Fabon

Nalambat ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang operatiba ng Philippine National Police (PNP)-Maritime Group at 15 iba pa sa magkakahiwalay na buy-bust operations sa Quezon City nitong Linggo.

Kinilala ni Supt. Rossel Cejas, hepe ng QCPD-Station 6 Batasan, ang naarestong pulis na si PO1 Christopher Guevarra y Bagasala, 36, nakatalaga sa PNP Maritime Police.

Naaresto si Guevarra at anim na iba pa sa Barangay Payatas, dakong 6:00 ng gabi.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nakumpiskahan umano ang mga suspek ng 18 pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, buy-bust money, gayundin ang .9mm pistol at PNP ID ni Guevarra.

Siyam pang drug suspect ang dinakip ng SDEU sa magkakahiwalay na operasyon sa Bgy. Talipapa, Fairview, Project 4; Bgy. Galas; Bgy. San Isidro sa Cubao, Anonas; at Bgy. Botocan.

Nasamsam umano sa mga suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia at buy-bust money.

Nakakulong ngayon sa detention cell ng QCPD at kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA9165) sa Quezon City Prosecutors’ Office ang mga suspek.