Ni Mary Ann Santiago

Patay ang isang tricycle driver makaraang barilin ng isang seaman, na suma-sideline na jeepney driver, matapos maghamon ng away sa kabila ng pagpayag na magkaayos sa nangyaring aksidente sa Maynila, nitong Sabado ng hapon.

Hindi na umabot nang buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Robert Padilla, 31, ng 15 Narra Street, kanto ng Bambang St., sa Tondo sa nasabing lungsod.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Samantala, pinaghahanap na ng awtoridad si Robert Mendoza, 31, ng 2876 B Orion St., Tondo.

Sa ulat ni PO3 Tom Jay Fallar, ng Manila Police District (MPD)- Station 2, naganap ang pamamaril sa panulukan ng Antonio Rivera at La Torre Sts., sa Tondo, bandang 3:20 ng hapon.

Ayon sa operator ng biktima, na si Gilbert Caagbay Monte, inaayos niya ang isang tricycle nang dumating ang biktima at suspek at ipinaalam sa kanya na nabangga umano ng tricycle, na minamaneho ni Padilla, ang ipinapasadang jeep (TWJ-591) ni Mendoza.

Nakipagkasundo umano si Monte kay Mendoza na ipaaayos na lamang nito ang nasirang jeep.

Subalit sinasabing inangasan ni Padilla si Mendoza at hinamon ng away na nauwi sa suntukan at agad inawat ng mga tao sa lugar.

Bumalik sa jeep si Mendoza at kinuha ang isang caliber revolver at tuluyang binaril si Padilla saka tumakas sa hindi batid na direksiyon at iniwan nito ang jeep.

Ilang saksi ang nagsabing tinangka ni Padilla na saksakin si Mendoza, kaya kumuha ito ng baril at pinaputukan ang una.