Ang pinakamalaki at pinakamakulay na pagdiriwang sa Zambales, ang Dinamulag Mango Festival, ay sisimulan ngayong Lunes bilang pasasalamat sa masaganang ani, partikular ng pinakamatamis na mangga sa mundo.
Sa pagbubukas ng okasyon, sinabi ni Provincial Administrator at festival committee chairperson, Atty. Izelle Deloso, na ang isang linggong pagdiriwang ay pagpapasalamat ng lalawigan sa lahat ng biyayang tinanggap mula sa Panginoon.
Ayon kay Deloso, ang mangga ng Zambales ay hindi lamang pinakamatamis, kundi ito rin ang pinakamasarap na prutas.
Idinagdag ni Deloso na ang selebrasyon ay naisakatuparan sa tulong at suporta ni Zambales Gov. Amor Deloso, Vice Governor Angel Magsaysay, kasama ang Sangguniang Panlalawigan, at sa suporta ng mga kawani ng lokal na pamamahalaan.
Para naman kay Magsaysay, ang okasyon ay nagsisilbing inspirasyon para sa mga susunod na henerasyon ng mamamayan para maging produktibo at malikhain.
Ipinagmalaki naman ni Iba Mayor Rundstedt Ebdane ang Dinamulag Festival dahil ito ay isa sa mga hinihintay na taunang selebrasyon ng kultura at tema para sa Zambales.
Tampok sa Dinamulag Festival ang 2nd Zambales Motor Endurance Challenge, Parayawan Agri-Tourism showcase at trade fair, marching band exhibition, Todo Todo Décor My Tricycle motorcade, at Bb. Zambales and Mr. Millennial competition.