Nina DANNY ESTACIO at FER TABOY

MULANAY, Quezon - Hindi pa man nagsisimula ang kampanya para sa barangay elections sa susunod na buwan ay dalawang katao na ang pinaslang, kabilang ang isang incumbent barangay chairman, sa Quezon at Isabela sa nakalipas na dalawang araw.

Dead on the spot si Domingo Concha Ruedas, 54, may asawa, chairman ng Barangay Cambuga, Mulanay, dahil sa tama ng bala ng baril sa katawan.

Ipinahayag ng pulisya na nagbabantay sa kanyang tindahan si Ruedas nang dumating ang isang motorsiklo, na magkaangkas ang dalawang suspek.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kaagad umanong bumaba sa motorsiklo ang back rider na nakasuot ng maskara ang ibabang bahagi ng mukha, malaki ang pangangatawan, kayumanggi at kulot, at ilang beses na pinaputukan ang biktima, dakong 7:20 ng gabi Kaagad na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.

Inaalam na ng pulisya ang motibo at pagkakakilanlan ng dalawang suspek sa krimen.

Binaril at napatay din kahapon ang isang kakandidato sa halalan sa susunod na buwan, sa Bgy. Batong Labang, Ilagan City, Isabela.

Kinilala ng Ilagan City Police ang biktimang si Rommel De Guzman, 37, ng Bgy. Batong Labang.

Binanggit ni PO2 James Pattalitan na nagpapakain ng kanyang aso si de Guzman nang biglang lapitan ng isang lalaki at pinagbabaril.