MATAGAL na tayong may mga ferry boat na nagkakaloob ng transportasyon sa Pasig River, ngunit ang sistemang ito ay ‘tila binalewala at inabandona na ngayon. Isang dahilan ay ang matinding polusyon sa Pasig at ang nakasusulasok na amoy na nalalanghap ng mga pasahero. Hindi rin naging regular ang operasyon ng Pasig ferry system, at karamihan sa 12 istasyon nito ay naglaho na dahil sa pagkasira.
Gayunman, ang Pasig ay maaaring magsilbing pangunahing ruta mula sa Laguna de Bay patungo sa Manila Bay. Ito ay malawak at walang trapiko na kasalukuyang pinoproblema sa mga kalsada sa Metro Manila. Sa pag-iisip ng bagong transport system at bagong ruta na makatutulong upang maibsan ang masikip na daloy ng trapiko, mayroon nang planong highway, subway, bagong side roads, at mga tulay. Naroon ang napakalawak na Pasig na naghihintay lamang na gamitin para makapagbiyahe ng mga produkto at tao, gaya ng unang paggamit dito, sa panahon bago nagkaroon ng mga sasakyan.
Naglatag na ng plano ang 10 ahensiya, na pinangungunahan ng Department of Budget and Management (DBM), hinggil sa pagsasaayos sa ferry system na pagaganahin sa 2022. Ito ang kinumpirma ni DBM Secretary Benjamin Diokno nitong Miyerkules. Ito ay magiging pormal sa executive order na ipalalabas ni Pangulong Duterte.
Sentro ng programa ang 24 na air-conditioned ferry, na may kapasidad na tig-50 pasahero. Kinakailangang maging maingat ang air-conditioned passenger cabins sa nakasusulasok na amoy sa Pasig River— kahit mayroon nang programa laban sa pagsira sa Pasig at Manila Bay, na mas matindi pa sa Boracay.
“The plan is to have a comfortable, predictable, and reliable ferry system, because right now, what we have is kind of spotty. We don’t know whether they will come on schedule. So the plan is to have a ferry system that is regular— every 15 minutes— and comfortable… air-conditioned,” sabi ni Secretary Diokno. Ibebenta sa isang pribadong kumpanya ang operasyon ng ferry system sa kalagitnaan ng kasalukuyang taon.
Dadagdagan ang kasalukuyang 12 istasyon at magiging 29 sa loob ng apat na taon. Sinisimulan na ang pagkukumpuni sa tatlong istasyon— sa Escolta, Guadalupe, at Polytechnic University of the Philippines (PUP). Bago matapos ang taong ito, mas maraming istasyon ang itatayo ng MMDA— sa Ayala Circuit, Quinta Market, at Pasig City.
Sa bagong sistema, siguradong mapakikinabangan ito ng maraming pasahero na naninirahan malapit sa Pasig. ‘Di magtatagal, maaari itong maging bahagi ng turismo, gaya sa Amsterdam sa Holland. Sana ay gayahin ito ng gobyerno na bumuo ng epektibong programa upang malinis ang Pasig River at ang kabuuan ng Manila Bay.
Ngunit ito ay matatagalan pa. Sa ngayon, pagtuunan muna natin ang bagong programa ng pagkakaroon ng mga air-conditioned ferry boat na bibiyahe sa Pasig River, gagamitin ang mahaba at nababalewalang ruta, at maibsan ang trapiko sa mga kalsada na patuloy pa ring pinoproblema hanggang ngayon sa kabila ng mga pagsisikap ng bagong administrasyon upang tuluyan nang maresolba ito.